Habang patuloy ang banta ng COVID-19 sa bansa, naghatid ng paalala ang Kapamilya stars at news personalities sa mga Pilipino na patuloy na mag-ingat at magpabakuna para protektahan ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong pandemya.
Sa inilabas na public service ad ngayong gabi (Nobyembre 5) sa iba’t ibang platform ng ABS-CBN, nilatag nina Coco Martin, Jodi Sta. Maria, Enrique Gil, Liza Soberano, at Angel Locsin, kasama ang “TV Patrol” anchors na sina Henry Omaga-Diaz, Karen Davila, at Bernadette Sembrano, ang mga dapat gawin ng publiko para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 lalo na sa mga bata at matatanda.
Kabilang dito ang pagbabakuna kapag nabigyan ng pagkakataon, ang pagsuot ng tama ng face mask, ang laging paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol, at ang pag-iwas sa paglabas ng bahay kung hindi naman kailangan. Kung aalis man, iwasan ang pagpunta sa matataong lugar at panatilihin ang distansya sa iba.
Kapag naman may sintomas na ng COVID-19, ipaalam agad sa Barangay Health Center at sundin ang kanilang instruksyon at payo kung ano ang dapat na gawin.
Giit ni Coco, mahirap man kung isipin ang mga sakripisyong ito, ito ay magagawa para sa kapakanan ng ating mga anak at pamilya.
“Alam po natin na ito’y maaaring isang malaking abala, pero mas malaki pong problema kapag tayo’y lumala, makahawa ng iba, at lalo na po ng mga bata. Kaya po natin ito, para sa kanila,” aniya.
Maliban sa public service ad, maglalabas din ang ABS-CBN ng safety reminders at infographics at marami pang ulat kaugnay sa COVID-19 sa pagpapatuloy ng adhikain nitong armasan ng impormasyon ang bawat Pilipino sa giyera laban sa COVID-19. Nasimulan na ito noong 2020 sa kampanyang Ligtas Pilipinas sa COVID-19 ng ABS-CBN.
Panoorin ang “Kaya Natin Para Sa Kanila” public service ad sa Kapamilya Channel, TeleRadyo, ANC, at iba pang ABS-CBN cable channels. Ipapalabas din ito online sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, at opisyal na Facebook pages at YouTube channels ng ABS-CBN Entertainment at ABS-CBN News.