in

‘Hanggang Kailan Kita Mamahalin’ nina Lorna Tolentino at Richard Gomez, tampok sa Sagip Pelikula Festival

Tampok sa bagong edisyon ng Sagip Pelikula Festival ng ABS-CBN Film Restoration ang restored version ng classic family-drama film na “Hanggang Kailan Kita Mamahalin,” na pinagbibidahan nina Lorna Tolentino at Richard Gomez, simula Oktubre 19 (Martes) sa KTX.ph.4

Ang online premiere ng “Hanggang Kailan Kita Mamahalin” ay bilang bahagi sa pagbibigay-pugay ng Sagip Pelikula Festival sa mga naging obra ng batikang direktor at managing director ng ABS-CBN Film Productions, Inc. na si Olivia M. Lamasan. Maliban dito, ipalalabas din ang ilan pang restored hits niya pagkatapos ang premiere nito.

Mula sa direksyon ni Lamasan at sa kanyang panulat kasama ang premyadong screenwriter na si Ricky Lee, hatid ng 1997 Star Cinema classic ang kwento ng mag-asawang sina Lisa (Lorna) at Mike (Richard), na kapwa ring magkatrabaho bilang marketing officials sa iisang kumpanya. Hangad nilang parehas ang kumportableng buhay para sa kanila at sa kanilang mga anak.

Ngunit mag-iiba ang turingan nilang dalawa nang mamagitan sa kanilang relasyon ang sari-sarili nilang mga ambisyon sa trabaho. Imbes na mapunta kay Mike ang inaasam niyang promosyon sa kanilang pinagtatrabahuhan, si Lisa ang napili para rito. Dahil dito, magdudulot ito ng matinding sigalot sa dalawa na siya namang lubos makaaapekto sa kanilang pamilya.

Sa kabila ng mga dagok na ito, handa kayang bitawan nina Mike at Lisa ang kanilang mga aspirasyon sa kani-kanilang propesyon alang-alang sa pag-ibig at sa kanilang mga anak?

Kasama rin nina Lorna at Goma sa pelikula sina Ronaldo Valdez, Gina Pareño, Chanda Romero, Angelica Panganiban, Eula Valdez, Cherry Pie Picache, Sylvia Sanchez, Mandy Ochoa, Toby Alejar, Dwight Gaston, Farrah Florer, Jericho Rosales, Julia Clarete, at Ronalisa Cheng.

Kinilala rin ito ng iba’t ibang award-giving bodies sa bansa, tulad ng FAMAS Awards, FAP Awards, at ng Young Critics Circle noong 1998.

Pakaabangan ang premiere ng “Hanggang Kailan Kita Mamahalin,” na may pre-show kasama sina Lorna Tolentino at Direk Olivia Lamasan, simula Oktubre 19, 7:30 ng gabi sa Sagip Pelikula Festival ng KTX. Mabibili na ang tickets nito sa https://bit.ly/HKKMonKTX, sa halagang P150.

Mapapanood din on-demand sa Sagip Pelikula Festival ang ilan pang restored hits ni Olivia M. Lamasan, tulad ng “Got 2 Believe,” “Maalaala Mo Kaya The Movie,” “In My Life,” “Sana Maulit Muli,” “Milan,” “Minsan, Minahal Kita,” at “The Mistress” simula Oktubre 20 (Miyerkules).

Ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa “Sagip Pelikula,” i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Dokyu ng ABS-CBN na ‘Fedelina: A Stolen Life,’ wagi ng Silver Medal sa New York Festivals

5 Box Office Hits ng KathNiel, magkakaroon ng remake sa India