in

ABS-CBN Foundation, tuloy ang paghahatid ng ayuda sa mga apektado ng bagyo at pandemya

Sa kabila ng mga pag-ulan at umiiral na community quarantine, patuloy pa rin ang “Pantawid ng Pag-ibig: Pilipino Para sa Pilipino” ng ABS-CBN Foundation sa pagsuporta sa mga nangangailangan Pilipino sa tulong ng mga donor at partner nito.

Nitong Setyembre lang, mahigit 2,000 pamilyang Pilipino ang nakatanggap ng relief goods na mga pagkain, pati na rin gamit panlaba.

Kabilang dito ang 836 na pamilyang tinamaan ng Bagyong Jolina sa Ternate at Kawit sa Cavite, 450 pamilya sa Brgy. Barandal at Brgy. Dila sa Laguna, 500 pamilya at 300 senior citizens sa Brgy. San Roque at Minuyan II sa Bulacan, 200 pamilya sa Brgy. San Isidro, Rodriguez Rizal, at 350 pamilya sa Sta. Ana, Manila.

May isang libong indibidwal sa Hagonoy, Taguig City at Brgy. Aguho, Pateros na rin ang hinainan ng mainit na pagkain at mga tinapay para maibsan ang gutom ngayong panahon ng pandemya.

Tumulong din ang “Pantawig ng Pag-ibig” sa mga tricycle driver sa Brgy. Fortune sa Marikina City na mas tumumal pa ang kita dahil limitado lang ang pwede nilang isakay kada biyahe.

“Dati pwede po apat na pasahero pwede naming isakay pero ngayon isa na lang. Lalong lalo na ‘yung mga nagba-boundary, halos wala na po silang kinikita. Ibabawas pati ‘yung mga ano gasolina, pagkain ng mga drayber. Ganun po talaga tiyaga-tiyaga na lang,” kwento ng tsuper na sin Jun Capinig sa isang ulat sa “TV Patrol.”

“’Yung dating kinikita namin na P600, ngayon P200 na lang eh. Ang laki talaga ng epekto. Pahirapan pa sa P200,” dagdag pa ng 60 taong gulang na si Zaldy Obongen, na namamasada pa rin para suportahan ang apat na anak.

Sa tulong ni Beth Capinig, ang lokal na kinatawan ng Samahan ng Nagkakaisang Pamilya ng Pantawid sa kanilang lugar, nalaman ng ABS-CBN Foundation ang kanilang kalagayan.

“Humaharap sila sa kondiyson na talaga namang isinusuong nila ‘yung buhay nila. Siguro kailangan din silang i-bless. Napakahirap nilang kumita. Halos ‘di nga makasapat para sa pagkain pang araw-araw,” ika niya.

Patuloy na tumatanggap ng donasyon ang ABS-CBN Foundation mula sa mga nais tumulong sa mga kababayan nating naghihirap ngayong pandemya. Para sa detalye, pumunta sa www.abs-cbnfoundation.com o sa opisyal na Facebook page ng ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc).

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Mark Herras at Nicole Donesa, kasal na!

Mikee Quintos, pinasaya ang fans sa listening party ng bagong single!