Minsan nang sinabi ng Ultimate Heartthrob na hindi niya kailanman iniwan ang Kapamilya at nagbitaw pa ng “see you soon.” Ngayong Huwebes (Setyembre 16), tinupad ni Piolo Pascual ang pangako niya pagkatapos niyang pumirma ng kontrata sa ABS-CBN, ang home network niya ng maraming taon.
Isang red carpet welcome ang binigay kay Piolo bago ang contract signing niya sa ABS-CBN, kung saan nakasama niya sina ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, COO of broadcast Cory Vidanes, group CFO Rick Tan, Dreamscape Entertainment head Deo Endrinal, at ang talent manager niyang si Lulu Romero.
Nakatakdang gumawa si Piolo ng dalawang programa sa ABS-CBN – ang drama series niya kasama ang bagong Kapamilya star na si Lovi Poe, at isang romantic-comedy series na pagsasamahan nilang muli ni Angelica Panganiban.
Sa higit sa 25 taon niya bilang isang Kapamilya, nakilala si Piolo para sa marami niyang talento. Pero higit siyang napalapit sa mga Kapamilya dahil sa mga pinagbidahan niyang mga serye at pelikulang naging bahagi na ng kanilang buhay at itinuturing na ngayong Pinoy classics.
Dahil sa hit shows gaya ng “Mangarap Ka,” “Lobo,” “Lovers in Paris,” “Noah,” box-office films gaya ng “Dekada ’70,” “Starting Over Again,” “Milan,” “Don’t Give Up on Us” at marami pang iba, lalong kuminang ang bituin ng tinaguriang “Papa P” ng industriya para maging most sought-after leading man sa bansa at isa sa pinakamagagaling na aktor ng kanyang henerasyon.