Naiuwi ng 18 taong gulang na estudyanteng si Dustine Mayores na mula sa Manila ang titulong Ultimate Bida Star sa online search ng ABS-CBN na “Bida Star: Boy Next Door” nitong Miyerkules (Setyembre 8).
Sa murang edad, pinili ni Dustine na tulungan ang magulang na nawalan ng trabaho dahil sa pandemiya sa pagsasabay nito ng kanyang pag-aaral at pagkakaroon ng sariling negosyo.
Tinuring si Dustine na dark horse ng kompetisyon dahil sa pagiging mahiyain nito noong simula pero nakuha naman niya ang kumpiyansa sa sarili para mapabilang sa final four.
Kwento niya na natutunan sa kanyang journey na tanggalin ang takot at huwag sumuko sa laban. “Nadevelop ko po na tanggalin yung takot dito. Kasi kapag natakot ka, magsisisi ka lang sa huli kapag hindi mo sinubukan. Isa pa po iyong ‘never give up.’ Hindi ka pwedeng basta-basta lang susuko. Laban ka lang nang laban kasi para sa akin po kapag sumuko ako, walang mangyayari. Kaya hanggang nandito pa po yung oportunidad push lang ng push. “
Nagwagi si Dustine matapos makuha ang pinakamataas na vote points na 75.68 mula sa kumu diamonds, KTX votes, at scores ng judges na sina TVDG head Alex Asuncion, Star Hunt Management head Raymund Dizon, at Direk Rahyan Carlos.
“Sobrang saya at sobrang thankful kasi ibinigay sa akin iyong pinagdasal ko. ‘Yung pinaghirapan ko, worth it. Nawala yung pagod,” madamdamin niyang saad.
Inaalay naman ni Dustine ang kanyang pagkapanalo sa kanyang kapatid na si Austin at para sa kinabukasan nito. “Itong pagod ko para sa kapatid ko. Lahat ng tinatahak ko sa buhay para kay Austin lahat. Para secured na ang future niya,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Dustine na hindi niya inasahan ang suportang nakuha niya mula sa huling last kumu livestream noong nakaraang Martes (Setyembre 7).
Bukod sa titulong “Ultimate Bida Star,” nanalo rin siya ng P50,000, ABS-CBN Management Contract, Star Magic Workshop Scholarship, pagkakataon na ma-shortlist para sa interview sa “Pinoy Big Brother Kumunity” Season 10, at bumida sa isang digital show.
Samantala, tinanghal na second runner up si Red Mendoza matapos makakuha ng 70.63 vote points. Nakuha naman nina Lee Feng Nuñez at Cyrille Tumamak ang 3rd at 4th place matapos nilang makuha ang 58.26 at 57.65 vote points.
Para sa updates tungkol sa bagong Ultimate Bida Star na si Dustine Mayores, i-follow lang ang StarHunt sa Facebook (@starhuntabscbn), Kumu (@starhuntabscbn), Twitter (@starhuntabscbn), Instagram (@starhuntabscbn), at Tiktok (@starhuntabscbn).