Kinilala ni Vice Ganda ang sakripisyo at serbisyo ng mga Pilipinong stage performer sa pagtawag sa kanila bilang mga bayani sa pinakahuling episode ng “Everybody, Sing” sa Kapamilya Channel at A2Z.
“Kayong mga performers, kayo ‘yung heroes pero hindi kino-consider na heroes… Wala masyadong nagsasabi nito sa atin kaya ako na ang magsasabi sa inyo, mga bayani kayo dahil alam kong lahat ng iniinda niyo ay dinededma ninyo para lang mapasaya ang mga audience ninyo,” ani Vice sa 25 entertainer na naglaro bilang songbayanan nung Linggo (Setyembre 5).
Ayon kay Vice, hindi makasarili ang mga performer. Sa katunayan, nakakalimutan na nila ang sariling kapakanan kapag nagsimula na silang magtanghal dahil mahalaga sa kanila na mabigyang aliw ang kanilang mga manonood.
“Kahit kami dito sa ABS-CBN, ‘yun ang training namin, ‘yun ang laging sinasabi sa amin na ‘pag humarap ka na sa TV, it’s not about you anymore. Ang iisipin laging ng performer at ng entertainer, ‘yung audience, ‘yung audience, ‘yung audience. Kung ano’ng magpapasaya sa audience,” paliwanag niya.
Nasabi ito ni Vice matapos mapakinggan ang kwento ni Hazel, isang mang-aawit na naapektuhan ang kita dahil sa pandemya at nagtatanghal na lang ngayon sa online sa pamamagitan ng streaming.
“’Pag nagbibigay kayo ng gifts sa amin para kaming nakakatanggap ng standing ovation. Kaya maraming maraming salamat po sa mga taong gumagastos para lang po maka-survive kami araw-araw,” sabi ni Hazel.
Inanyayahan din ng host ng kauna-unahang community singing game show sa bansa ang mga tagapanood na suportahan ang mga streamer tulad ni Hazel.
“Kung kayo’y nababagot, panoorin niyo ‘yung mga nagsi-stream na performers doon kasi ang gagaling nila.’Yung mga nakikita niyo dati sa TV na hindi niyo na nakikita ngayon nando-doon, mae-entertain nila kayo and at the same time makakatulong kayo sa kanila ‘pag pinanonood niyo ‘yung mga streaming nila at kung makapagbibigay kayo ng mga gifts sa kanila,” ika ni Vice.
Maganda ang simula ni Hazel at mga kasama sa songbayanan ng stage performers sa jackpot round pero bigo silang mahulaan ang dalawang huling kanta para makuha ang jackpot prize na P500,000. Gayunpaman, nag-uwi pa rin sila ng P40,000 bukod sa kanya-kanya nilang napanalunan sa mga naunang round.
Samantala, hindi rin pinalad na makamtan ang jackpot ang songbayanan ng tourism industry workers na naglaro noong Sabado (Setyembre 4). Tatlo lamang ang nakuha nilang awitin sa huling round pero bitbit nila pauwi ang bagong karanasan at bagong pag-asa.
“Sanay manumbalik na ang sigla ng turismo sa Pilipinas at sa buong mundo nang manumbalik na rin ang mga trabaho ng marami, manumbalik ang sigla nating lahat at maging masaya ang buhay natin at makabisita ng maraming magagandang lugar ulit sa Pilipinas,” sabi ni Vice sa kanila.
Ngayong Sabado (Setyembre 11) at Linggo (Setyembre 12), ang songbayanan ng pageant winners at national athletes naman ang magbabahagi ng kanilang kwento at kakanta para sa jackpot sa “Everybody, Sing,” 7 pm sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, TFC, at iWantTFC. Para sa updates sa “Everybody, Sing,” i-follow ang @EVERYBODYSINGPH sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa ibang balita sa ABS-CBN, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.