Trahedya ang magiging kapalit ng masasamang gawain sa social media nina Maymay Entrata, Tony Labrusca, Barbie Imperial, Jerome Ponce, at Janella Salvador sa ikalawang season ng original digital anthology series na “Click, Like, Share.”
Ngayong Setyembre 3, mapapanood ang apat na bagong episodes nito sa iWantTFC kada Biyernes ng 8 PM, dalawang araw bago ito ipalabas sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z kada Linggo ng 8:30 PM.
Bibida si Maymay sa unang episode na “Lurker” bilang ang mahirap ngunit masipag na waitress na si Beng. Sanay sa pang-aapi si Beng ngunit magbabago siya pagkatapos siyang pahiyain ng isang mayaman na social media influencer na si Trish (Michelle Vito). Dahil dito, gagamitin ni Beng ang kasikatan ni Trish upang maghiganti at sirain ang buhay nito.
Bibida naman si Tony sa “Altered” kung saan tanging hanapbuhay niya ang pag-eedit ng mga litrato upang siraan ang mga kilalang personalidad. Makakarma si Homer (Tony) dahil madadawit ang pangalan niya sa kasong pagpatay sa isang mayamang negosyanteng siniraan din niya.
Masusubukan ang pagiging mag-best friend nina Jenna (Barbie) at Kris (Lance Reblando) sa “Found.” Tutulungan ni Jenna si Kris na makakuha ng date kay Vince (Jerome) gamit ang isang dating app, ngunit magiging komplikado ang samahan ng magkaibigan pagkatapos mahulog ang loob ni Jenna kay Vince.
Sa huling episode na “Barter,” mag-isang itinataguyod ni Janice (Janella) ang kanyang kapatid pagkatapos mamatay ang kanilang ina. Upang makaipon ng pera, nagbebenta si Janice ng mga luma at sirang appliances online – isang bagay na magdudulot ng sunod-sunod na trahedya sa kanyang buhay matapos itong ikamatay ng isang customer.
Kabilang din sa bagong episodes ng “Click, Like, Share” sina Mutya Orquia, Louise Abuel, Sherry Lara, Franco Daza, Paolo Gumabao, Kate Alejandrino, Malou Crisologo, at Renz Aguilar.
Ang serye ay mula sa direksyon ni Emmanuel Q. Palo at produksyon ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment kasama ang Dreamscape Entertainment at Kreativ Den.
Libre ring mapapanood ng iWantTFC subscribers sa Pilipinas ang lahat ng episodes ng unang season ng “Click, Like, Share,” tampok sina Francine Diaz, Kyle Echarri, Seth Fedelin, at Andrea Brillantes.
Abangan ang ikalawang season ng “Click, Like, Share” ngayong Setyembre sa iWantTFC, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.