Patuloy ang misyon ng premyadong documentary series na “Dayaw” na ipalaganap ang kultura at pamanang Pilipino sa ika-labing-isa nitong season sa ANC, the ABS-CBN News Channel, ngayong Agosto.
Mula 2015, itinatampok na sa produksyong ito ng ANC at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang mga kagawian, tradisyon, at kultura ng mga iba’t-ibang grupo ng indigenous peoples sa bansa sa pangunguna ni three-term senator, at ngayo’y House deputy speaker at Antique congresswoman, Loren Legarda, na siyang nakaisip na gawin ang programa.
Ani Loren, layunin talaga ng “Dayaw” ang ma-dokumento ang maraming aspekto ng kultura at kaalamang katutubo para manatili itong buhay at naisasapuso ng mga susunod na henerasyon.
Sa bagong season na pinamagatang “Kakaibang Sigla,” ipapakita sa “Dayaw” ang enerhiya, pagiging competitive, at sportsmanship ng mga Pilipino na lumalabas sa mga tradisyunal na laro, martial arts, at sayaw ng bansa.
Una nang tinampok ang mga kinalakhang laro ng mga Pilipino tulad ng patintero, sipa, at luksong tinik sa unang episode, kasunod ang two-part special ukol sa ritwal na Punnuk ng mga Ifugao tuwing katapusan ng ani. Sa mga susunod na episode ng “Dayaw,” ibibida naman ang Filipino martial arts tulad ng arnis, silat, at eskrima sa two-part special na magsisimula ngayong Huwebes (Agosto 26), habang “Sayawang Pinoy” naman ang pokus sa huling episode sa Setyembre 3.
Sa kabila ng pandemya, nakapaglunsad pa ang “Dayaw” ng mga bagong season, habang hinahanda na rin ang Season 12 na tungkol naman sa mga kagawian kaugnay ng pag-ibig, panliligaw, pag-aasawa, at buhay tampok ang mga Gaddang, Tboli, at Sama Dilaut.
Sabi ni ANC chief operating officer Nadia Trinidad, mapalad sila dahil marami silang naimpok na materyal bago ang pandemya kung kaya hindi naputol ang kanilang paghahatid ng kwento tungkol sa pamumuhay ng mga indigenous peoples.
Nagpapasalamat naman si NCCA chair Arsenio “Nick” Lizaso sa kontribusyon nina former Senator Legarda at ng ANC sa paglalapit ng mga kaalaman at pamana ng ating katutubo sa mga manonood na Pilipino at maging sa mga taga-ibang bansa.
“I would like to commend Deputy Speaker Loren Legarda for her vision and commitment to preserve, promote and enrich our culture and heritage, and to ANC for translating that vision into an exemplary body of work,” sabi niya.
Napapanood ang “Dayaw” Season 11 tuwing Huwebes, 6 pm sa ANC sa cable at sa ANC Facebook page. Para sa balita, i-follow ang @ANCalerts sa Facebook at Twitter o bumisita sa news.abs-cbn.com/anc online o sa pamamagitan ng ABS-CBN News App. Pwede ring manood sa iWantTFC. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o bumisita sa abs-cbn.com/newsroom.