Tuloy lang sa pagtatrabaho ang Kapuso star na si Jennica Garcia. Bago siya mapanood sa upcoming drama series na Las Hermanas, bibida muna si Jennica sa weekly drama anthology na Tadhana Ngayong Sabado (August 7) kasama si Mike Tan.

Gaganap si Jennica na security guard sa two-part episode na “Sekyu in the City.” Sa kuwento, pangarap ni Cathy (Jennica) ang maging isang pulis pero dahil kapos sa pera, hindi niya naipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Kumuha siya ng Security Guard Training Program at pinalad namang makapagtrabaho sa isang kilalang talyer sa Maynila. Dito niya makikilala ang guwapo at mayamang kliyente na si Yohan (Mike Tan) na ‘di kalaunan ay liligawan siya.
Kaya lang, habang patuloy na umuusbong ang magandang pagtitinginan nilang dalawa, tumitindi naman ang paghadlang dito ng matapobreng ina ni Yohan na si Maria (Melissa Mendez). Unti-unti ring mabubunyag ang madilim na nakaraan ni Cathy na madidiskubre nilang may koneksiyon kay Yohan.
Paano kaya ito makaaapekto sa pag-iibigan ng dalawa? Makakasama rin nina Jennica sa episode na ito sina Gardo Versoza at Hannah Precillas.
Samahang muli si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa Tadhana: Sekyu in the City – Part 1 ngayong Sabado, 3:15 PM sa GMA. Panoorin dito ang full trailer: https://www.facebook.com/1345885592147918/posts/4227181820684933/







