Nagbabalik ang isa sa most-awarded movies noong ’90s na “Kung Mawawala Ka Pa” ng Reyna Films na pinagbidahan nina Christopher de Leon, Dawn Zulueta, at Amy Austria dahil handog ng ABS-CBN Film Restoration ang digitally restored version nito sa Sagip Pelikula Festival ng KTX.
Mula sa direksyon ni Jose Mari Avellana at sa panulat nina of Bibeth Orteza at Oscar Miranda, binigyang buhay ng pelikula ang buhay ng mag-asawang Tony (Christopher) at Marissa (Dawn) at ang kanilang unica hija na si Charina (Sarah Jane Abad).
Biglang mag-iiba ang takbo ng kanilang buhay matapos mamagitan ang ambisyon ni Tony na pumasok sa pulitika, na hindi lubos na sinuportahan ni Marissa. Hindi magtatagal at manghihimasok din ang kaibigan ni Marissa na si Sylvia (Amy Austria) sa kanilang pamilya nang maging campaign manager ito ni Tony. Maliban sa sigalot sa mag-asawa, masusubukan din ang katatagan nina Tony at Marissa bilang magulang matapos malamang may leukemia ang kanilang minamahal na anak.
Kasama rin sa pelikula nina Boyet, Dawn, at Amy sina Pilar Pilapil, Sarah Jane Abad, Benjie Ledesma, Gamaliel Viray, at Mark Vergel De Dios.
Bago ipalabas ang pelikula, tampok din sa pre-show nito sina Dawn Zulueta at ang manunulat nitong si Bibeth Orteza. Mabibili naman ang mga ticket nito sa https://bit.ly/KMKPonKTX sa halagang P150.
Maliban sa “Kung Mawawala Ka Pa,” mapapanood din ang restored hits ng award-winning actress na si Dawn Zulueta at ng beteranang manunulat na si Bibeth Orteza, tulad ng “Saan Ka Man Naroroon,” “Hihintayin Kita sa Langit,” “Ligaya Ang Itawag Mo sa Akin,” “Ang Lalaki sa Buhay ni Selya,” “Patayin sa Sindak si Barbara,” and “Inagaw Mo ang Lahat sa Akin” sa KTX.
Kamakailan ay ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Dahil dito, kinilala na ng ilang award-giving body ang inisyatibo nito, tulad nalang ng makatanggap ito ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), at ng Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).
Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa “Sagip Pelikula,” i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).