Pinatunayan ng Kapamilya songstress na si Jayda na siya na talaga ang ‘next big thing’ sa showbiz sa mga palaban at taos-pusong performance niya sa first-ever major concert niya nitong Sabado (June 26).
“Alam nyo, pangarap ko talaga ‘to nung bata pa ako to headline a show. I hope you guys can feel me, even from the comfort of your own homes, kung ano man ang ginagawa n’yo,” aniya.
Sa virtual show na “Jayda In Concert”—na napanood nang live worldwide via KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV—ipinamalas ni Jayda ang sarili niyang discography sa pagpe-perform niya ng mga sarili niyang komposisyon na “Coffee,” “Happy For You,” “Paano Kung Naging Tayo,” “M.U.,” pati na ang ilang kanta mula sa kaka-release lang na debut album niya, ang title track na “Bahagi” at “Tunay.”
Angat na angat din ang rising superstar sa kanyang henerasyon dahil sa pagpapakita ng galing niya bilang instrumentalist. Ilang beses siyang kumanta habang tumutugtog ng piano, acoustic guitar, at electric guitar.
Samantala, sinamahan din si Jayda ng guest niyang si KD Estrada para sa duet ng komposisyon niyang “Perfectly Imperfect.” Ipinaramdam naman niya ang pagmamahal niya sa mga magulang sa pagkanta ng “Points of View” at “Bakit Pa?” kasama ang special guest at nanay niyang si Jessa Zaragoza, pati na sa isang solo performance ng single nila ni Darren Espanto na “Sana Tayo Na,” na isinulat naman ng tatay niyang si Dingdong Avanzado.
“Full circle moment din ito, since my dad wrote this over two decades ago. Hindi pa ako pinapanganak and way before he met my mom. Over the past few years, he was looking for someone to sing it and that someone was me all along,” ani Jayda na nagkwentong tuluyan niyang niyakap ang kanyang OPM roots sa pagrekord ng nasabing kanta noong 2020.
Bukod sa mga sarili niyang kanta, nag-cover din si Jayda sa concert ng mga pop hits gaya ng “Levitating” ni Dua Lipa, “Always Remember Us This Way” at “I’ll Never Love Again” ni Lady Gaga, at “Driver’s License” ni Olivia Rodrigo.
Ipinrodyus ng ABS-CBN Events at Phenomenal Entertainment ang “Jayda in Concert,” habang co-presenter naman nito ang Smart Prepaid at Pepsi. Si Frank Mamaril ang nagsilbing direktor ng virtual show kasama si Iean Iñigo bilang musical director at choreography ng D’Grind.