Talaga namang pinaglalaanan ng panahon at mabusising pinaghahandaan ng GMA Network ang bawat detalye para sa isa sa biggest project nito, ang much-awaited live-action adaptation ng sikat na Japanese anime na ‘Voltes V: Legacy.’
Sa ulat ng 24 Oras nitong Lunes ay ipinasilip na ang set ng Boazanian Skull Ship na ayon sa direktor ng programa na si Mark Reyes ay inabot ng isang taon ang konstruksyon.
Aniya, “There are separate studios. The one for the Skull Ship, siguro ang laki niya is siguro two basketball courts. ‘Yung laki naman ng Camp Big Falcon would be three to four basketball courts. Gan’on kalaki ‘yung set, massive. When we saw it, even us were shocked.”
Nagsimula na rin ang lock-in taping ng Voltes V: Legacy kaya hindi naman maiwasan ng direktor na maging emosyonal dahil ito raw ang day one ng walong taon niyang paghihintay.
Pagkukuwento pa ni Direk Mark ay naisukat na rin ng cast ang kanilang costume na mahigit isang taon din ang inabot dahil sa masusing disenyo at detalye nito.
“We have to find a good marriage between the classic Voltes V look and what is acceptable nowadays. Hindi tayo gagawa ng just plain spandex,” dagdag pa niya.
Ang Voltes V team ay binubuo nina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, Matt Lozano, at Raphael Landicho. Samantala, sina Martin Del Rosario at Liezel Lopez naman ang gaganap bilang mga kontrabidang sina Prince Zardoz at Zandra.