Pag-ibig na hindi kailangang masuklian ang kwento ng Star Music artist at TikTok star na si JMKO sa bago niyang kantang “Araw.”
“It’s like a metaphor sa isang real love story, na kino-connect niya yung celestial bodies sa tao,” ayon sa R&B at soul artist sa naging panayam niya sa MYXclusive kamakailan.
Kwento pa ni JMKO, nakaka-relate siya sa kanta dahil na rin sa dating karanasan na hindi pagtanggap sa kanya ng taong minamahal. Pero ang mahalaga raw ay higit pa sa pag-ibig, hatid ng kanta ang mensahe na pahalagahan ang sariling worth.
“Hindi siya tungkol sa kung mamahalin ka rin ng taong minamahal mo. As long as you keep loving that’s what matters,” sabi niya. “It’s about realizing one’s worth.”
Unang komposisyon ang “Araw” ni Renz Jomel na isinulat ang kanta bilang birthday gift sa sarili ngayong pandemya.
Noong nakaraang taon, inilabas ni JMKO ang revival niya ng R&B classic ni Jay-R na “Bakit Pa Ba.” Siya rin ang umawit ng kantang “Tabi-Tabi Po,” isa sa song finalists sa Himig 11th Edition. Ilan pa sa mga inilabas niyang awitin ang “Timeless” para sa Miss Universe Philippines 2018, “Ano Nga Ba Tayo” na bahagi ng “Mga Batang Poz” soundtrack, at “Aahon,” ang OST ng “Story of Yanxi Palace.”
Unti-unti namang nakikila ang Kapamilya singer worldwide dahil sa TikTok, kung saan meron na siyang 2.2 million followers na sinusundan ang singing videos at duets niya. May halos 146 million combined views na ang kanyang popcorn duets mula sa libo-libong users na sinusubukang sabayan ang kanyang videos. Nakatakda rin siyang maglabas ng mga kanta na inirekord at iprinodyus pa sa Los Angeles.
Pakinggan ang “Araw” single ni JMKO na available na sa iba’t ibang digital streaming services. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).