Mapapakinggan na ang full-length album ng singer-songwriter na si Trisha Denise na “Piece of the Puzzle” sa Biyernes (May 28), tampok ang walong kanta na nagpapakilala sa kanya at naglalahad ng katapangan niya bilang isang music artist.
Ang title track ng album na “Piece of the Puzzle” ay kumuha ng inspirasyon sa madalas na panghuhusga ng mga tao base lang sa mga nakikita nila sa social media.
“Sa panahon po kasi ngayon, may makita lang na posts sa social media, marami na agad mamba-bash sa comments, nakaka-sad ‘yung mga ganung nangyayari na hindi naman alam ‘yung buong kwento pero maraming sasali,” ayon sa DNA Music artist.
Mula sa mga inspirational songs na hango sa personal niyang karanasan, tampok din sa bagong album ni Trisha ang mga kwentong pag-ibig at heartbreak ng ibang tao. Simbolo rin ng passion sa kanyang musika ang pagre-release nito sa gitna ng pandemya.
Isa sa mga kaabang-abang na love song sa album ang “Bakit Ba,” na nagpapaalala sa halaga ng closure sa isang relasyon kahit gaano pa ito kahirap at kasakit. Dagdag ni Trisha, mensahe rin ng kanta na piliin na lang na umalis at mag-move on kaysa iwanang nakabinbin ang relasyon, para na rin sa dignidad ng bawat isa.
Bukod sa “Piece of the Puzzle” at “Bakit Ba,” kasama rin sa album ang “Mahalin,” “Puwede Ba?” kasama ang rapper na si Arvey na nagsulat ng rap verse ng kanta, “Miss Na Miss” kasama si Dan Ombao, “Bakit Ba?,” “Alalahaning Kalimutan,” “Strangers,” at “Ang Totoo.” Lahat ng kanta ay kinompose ni Trisha at ipinrodyus ni ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo.
Nagsimulang sumulat ng mga kanta si Trisha noong 11-anyos pa lang siya at ngayon ay isa na sa mga pinaka-aktibong songwriters sa bansa. Kasama sa mga kantang isinulat niya ang “Unbreakable” nina Regine Velasquez-Alcasid at Moira Dela Torre, “Diamond” at “Love Even If” ni Jake Zyrus, at “Mr. Nice Guy” nina Inigo Pascual at Chinese-Australian vlogger na si Wengie.
Silipin ang “Piece of the Puzzle” ni Trisha at pakinggan ang bago niyang album sa iba’t ibang digital music streaming platforms simula sa Biyernes (May 28). For more details, sundan ang DNA Music sa Facebook (www.facebook.com/dnamusicph), Twitter at Instagram (@dnamusicph).