Bibida sa original soundtrack (OST) ng bagong anthology series na “Click, Like, Share” ang bagong komposisyon nina Angela Ken at SAB na “Kontrol” at “Cancelledt” pati na ang mga nauna nang i-release na single nina Kyle Echarri na “Panaginip” at “Umaga” ni Arvey.
Tampok bilang theme song sa unang episode na “Reroute” na pangungunahan mismo ni Kyle bilang aktor ang sariling komposisyon niyang “Panaginip” na ini-release noong 2020.
Una namang mapapakinggan ang bagong kanta ng Star Music artist na si SAB na “Cancelledt” sa ikalawang episode na may parehong title at pagbibidahan naman ni Francine Diaz. Ilan pa sa mga single ni SAB na siya rin mismo ang nag-compose ay ang “Always Stay The Same,” “Dancing in the Dark,” at “She.”
Samantala, mas magpapatindi naman sa mga eksena ng third episode na “Trending” tampok si Seth Fedelin ang latest single ni Arvey na “Umaga” na isinulat niya kasama si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo.
Sagot naman ni Angela ang awitin para sa ikaapat na episode na “Poser” kung saan bibida si Andrea Brillantes. Mapapakinggan dito ang orihinal na komposisyon ni Angela na “Kontrol,” kasunod ng tagumpay ng debut single niyang “Ako Naman Muna” na sa ngayon ay mayroon nang 10 milyong Spotify streams at mahigit 5.5 milyong YouTube views ang music video.
Ang “Click, Like, Share” ay isang anthology series na magtatampok sa papel na ginagampanan ng social media sa buhay ng mga tao, lalo na sa mga masamang epekto nito sa mga teenager gaya ng bashing, cyberbullying, online harassment, at depresyon. Mapapanood ang premiere nito sa June 5 (Sabado) sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV, at magiging available din sa Upstream ngayong taon.
Maging responsableng social media user at pakinggan ang OST ng “Click, Like, Share” sa iba’t ibang digital music services. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).