Bigatin ang naging performance ng Filipino-American pop vocalist na si Cheesa sa kakalabas lang na music video ng kanyang “Bakit Pa” remake na bahagi pa rin ng ‘KAIBIGAN: A Troy Laureta OPM Collective Vol. 1” album ng musical director na si Troy Laureta.
Pagkakataon na raw ng “The Voice” US season 2 quarterfinalist na ibida ang pinagsamang Pinoy at western culture sa bonggang music video. Aniya, “It was my honor to integrate Filipino and Western culture together and present it to the world. I am and will always be a proud Filipina.”
Inaalay niya ang proyekto para sa kapwa Pinoy at Asyano at sa LGBTQ+ community. Hatid niya rin dito ang mensahe ng body positivity at self-love.
Tampok sa music video ang sayaw na pasa doble na pinangungunahan ni Jake Zyrus at partner nitong si Shy Aquino. Makikita dito sa Cheesa bilang señorita na kumakanta habang tumutugtog ng piano si Troy sa background.
Si Abel Rodriquez ang nagdirek ng video na isang kolaborasyon niya sa YouMeUs MNL. Kinuhanan ito sa Los Angeles, California at Manila.
Ayon kay Cheesa, sadyang ‘nostalgic’ para sa kanya at kuya niyang si Troy na i-remake ang kantang pinasikat ni Jessa Zaragoza. Lumaki ang magkapatid na inaawit ang “Bakit Pa” lalo na nung binuo nila ang duet group na A2C na nagbigay-pagkakataon sa kanila na awitin ang kanta sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
“We knew we had to revive this song together, put our spin on it. Bring it back to our childhood days,” kwento ni Troy.
Ang “Bakit Pa” music video ang ikatlong visual spectacle na hatid ng “KAIBIGAN” album kasunod ng “Usahay” MV tampok si Jake Zyrus at “Kailangan Kita” MV ni Pia Toscano.
Nakatrabaho na rin ni Cheesa ang ilan pang tanyag na singers tulad nina Nicole Scherzinger, BabyFace, CeeLo Green, at Deborah Cox. Bumida ang mga awitin niya sa “So You Think You Can Dance” at “The Bachelor.” May inilabas din siyang kanta na “I’m Not Perfect” kasama ang dating si Charice na pumalo na sa milyon-milyong views.
Panoorin ang “Bakit Pa” music video ni Cheesa at patuloy na pakinggan ang “KAIBIGAN” album ni Troy.