Kasabay ng mas tumitinding mga eksena sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” naglabas ang programa ng recompilation soundtrack tampok ang bagong theme song nito mula sa Pinoy Pride na si Arnel Pineda na siguradong mas maglalapit sa mga manonood kay Cardo.
Inawit ni Arnel ang “Cardo Dalisay,” isang rock song na kinompose ng isa sa cast ng serye na si Bassilyo. Swak ang kantang ito para sa karakter ni Coco Martin sa teleserye.
May bagong bersyon naman ng “Ililigtas Ka Niya” ang internationally-acclaimed Pinoy vocal group na Pinopela. Unang single ng grupo ang kanta na pasok sa tema ng serye ang mensahe tungkol sa pagtitiwala sa pagmamahal ng Diyos at orihinal na inawit ni Gary Valenciano.
Kinanta naman ni Coco ang theme song ng Task Force Agila na “Dagit Ng Agila,” na isinulat at ipinrodyus din ni Bassilyo na maririnig din sa kanta kasama ang isa pang rapper at aktor sa serye na si Smugglaz.
Mapapakinggan na rin ang buong bersyon ng opening song ng action-drama series simula 2018 na “Nandyan Na Si Cardo” kung saan ibinibida ang katapangan ng karakter. Isinulat, ipinrodyus, at inawit ito ni Randy Santiago.
Syempre, hindi mawawala ang rap song na “Vendetta” na isa ring komposisyon at produksyon ni Bassilyo na kumuha ng inspirasyon sa pangalan ng vigilante group sa serye kung saan naging bahagi si Cardo.
Ini-release ang mga kantang ito bilang bahagi ng isang recompilation album kasama ang ilan pang tumatak na awitin mula sa 2016 original soundtrack ng serye na “FPJ’s Ang Probinsyano (Music from the Original TV Series).”
Ilan sa mga kantang napasama sa orihinal na album ang “’Wag Ka Nang Umiyak” ni Gary Valenciano, “Ang Probinsyano” nina Gloc 9 at Ebe Dancel, at “Ako Si Superman” ni Coco.
Patuloy na samahan si Cardo sa paglaban niya sa kasamaan at pakinggan ang “Cardo Dalisay” at iba pang “FPJ’s Ang Probinsyano” soundtracks sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph), at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).