Mula sa paglilingkod sa radyo at cable TV, naghahatid na rin ng impormasyon, inspirasyon, at saya ang ilang TeleRadyo anchors sa digital.
Napapanood na rin ang mga batikang brodkaster na sina Ahwel Paz, Coach Harris Acero, Dra. Luisa Ticzon Puyat, May Valle-Ceniza, Stargazer, at Winnie Cordero sa FYE Channel sa Pinoy community platform na kumu.
Showbiz balita at mga panayam sa artista ang hatid ni Ahwel sa “Kumu Star Ka” tuwing Miyerkules at Linggo ng 3 pm. Libreng konsultasyon at payong medikal naman ang handog nina Dra. Luisa at Coach Harris sa “kumunsulta” tuwing Lunes ng 9:30 pm, tulad ng gawain nila sa programa nilang “Your Daily Do’s” sa TeleRadyo.
Samantala, tuloy-tuloy naman ang diskusyon sa iba’t ibang aspeto ng buhay sa “Tita Talk” tuwing Huwebes ng 9 am kasama sina Winnie Cordero at May Valle-Ceniza, na magkasangga rin sa “HaPinay” show ng TeleRadyo. Sa kumu rin nagbabalik ang sikat na programang “Pinoy Vibes” ni Stargazer, kung saan tinatalakay ang mga bagay na paranormal at naghahatid ng ibang klase ng life coaching kada Linggo ng 8 pm.
Ayon sa kanila, kakaiba ang karanasan sa kumu kumpara sa nakagawian nila sa radyo.
“Challenging kung paano mo makukuha ang attention ng mga Kumunizens, kung paano mo sila mapapasali sa usapan at mapapanood hanggang matapos ang show,” ani Coach Harris.
Ika naman ni Stargazer, “Dito nasusubok ang bilis namin mag isip, kailangan maging fluid o tuloy tuloy. Natuto din kami maging mas maging interactive sa mga tao.”
Gayunpaman, nagpapasalamat sila sa bagong oportunidad na makapaghatid ng serbisyo sa publiko.
“Napaka-rewarding din na tanggapin ng audience ang programa sa pagkakaroon ng malaking bilang na viewers at pagtanggap ng mga virtual gifts bilang tanda ng appreciation ng audience sa programa,” ani Ahwel, na napapanood din tuwing Linggo sa TeleRadyo ng 3 pm at Jeepney TV ng 3:30 pm.
Habang patuloy na sinasanay ang sarili sa bagong plataporma, nananatili naman sa kanila ang diwa ng public service na naging tatak na ng TeleRadyo at ABS-CBN.
“I believe thru kumu we are able to continue our battle cry of being Una sa Balita at Public service by incorporating our info dissemination on various topics,” kwento ni May.
Dagdag pa ni Winnie, “Kahit na anong plataporma, kahit na anong sitwasyon, narito ako para magbigay saya at impormasyon sa tao. Patuloy lang ang paglilingkod kahit anong sitwasyon kasi walang iwanan sa Kapamilya.”
Abangan sina Ahwel Paz, Coach Harris Acero, Dra. Luisa Ticzon Puyat, May Valle Ceniza, Stargazer, at Winnie Cordero sa kumu. I-download ang app sa Google Play o App Store at i-follow ang FYE Channel. Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.