Patuloy ang pagtutulungan ng ABS-CBN Entertainment, Cignal, at TV5 sa paghahatid ng magagandang programa sa mas maraming Pilipino sa pagpapalabas ng “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Ang Sa Iyo ay Akin,” “Walang Hanggang Paalam,” at “Pinoy Big Brother (PBB) Connect” sa TV5.
Simula sa Lunes (Mar 8), matutunghayan na sa TV5 ang mga de-kalidad na produksyon, mahuhusay na artista, at positibong aral sa apat na Kapamilya shows na ito mula Lunes hanggang Biyernes ng 8 pm hanggang 10:30 pm.
Mula 2015 ay kinagigiliwan na ng mga Pilipino ang “FPJ’s Ang Probinsyano.” Tuloy pa rin ang pagpapalabas nito at hindi magwawakas sa Abril 2021, gaya ng naibalita. Mapapanood pa ang mga matitindi at kapana-panabik na eksena na nagpapakita ng pagmamahal sa pamilya, bansa, at Diyos sa kanilang pagsubaybay sa kwento ni Cardo Dalisay.
Samantala, ang “Ang Sa Iyo ay Akin,” ang pinaka-pinapanood na programa sa iWantTFC na nasa huling dalawang linggo na, at ang family drama na “Walang Hanggang Paalam” ay patuloy na tinututukan ng mga manonood mula noong 2020.
Ipapalabas din ng TV5 ang kapana-panabik na huling linggo ng “PBB Connect” mula Lunes (Mar 8) hanggang sa Big Night sa Linggo (Mar 14), matapos ang maraming linggong paghahatid ng ‘teleserye ng totoong buhay’ at mga aral sa pamamagitan ng mga hamon ni Kuya para sa housemates.
Sa pakikipagtulungan sa Cignal at TV5, maihahatid ng ABS-CBN Entertainment ang mga programa nito sa buong bansa sa pamamagitan ng TV5.
“We welcome the inclusion of ABS-CBN entertainment shows in our roster of programs. We believe that this content deal will benefit Filipino viewers across the country because of TV5’s extensive coverage,” sabi ni Robert P. Galang, ang presidente at CEO ng Cignal at TV5.
Ang “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Ang Sa Iyo ay Akin,” “Walang Hanggang Paalam,” at “PBB Connect” ang pinakabagong mga palabas ng ABS-CBN Entertainment na eere sa TV5, kung saan napapanood ang “ASAP Natin ‘To” at “FPJ: Da King” tuwing Linggo mula noong Enero 24.