Malakas ang pilot week ng bagong rom-com series ng Kapuso Network na Owe My Love. Hindi lamang ito usap-usapan sa social media, mataas din ang ratings na nakukuha nito. Tila marami sa viewers ang nakaka-relate sa kuwento ni Lovi Poe as Sensen Guipit na lahat ay gagawin para sa pamilya kahit na sa pagkakautang siya ay naiipit.
Ilang beses ding nag-krus ang landas nina Sensen at Doc Migs Alcancia (Benjamin Alves) at ngayong linggo ay tila wala na silang kawala sa itinakda ng tadhana para sa kanila dalawa.
Kailangan na kasing makahanap ni Sensen ng pera para sa operasyon sa puso ng kapatid niyang si Gwaps (Buboy Villar). Pero sa dami ng utang at lihim na pagsusugal ng tatay niyang si Oryo (Pekto), wala nang maisip pang paraan si Sensen para mabuo ang P450,000 na pambayad sa ospital.
Matapos naman mapadpad sa lugar nina Sensen si Lolo Badong (Leo Martinez) at pansamantalang kupkupin ng pamilya Guipit, palagi nang hinahanap ni Lolo Badong si Sensen dahil ang akala ng matanda ay asawa nito ang apo niyang si Doc Migs.
Dahil tila bumabalik sa katinuan si Lolo Badong sa tuwing nakikita si Sensen, nagpasya si Doc Migs na bayaran ang operasyon ni Gwaps kapalit ng pagiging caregiver ni Sensen kay Lolo Badong at pagpapanggap na asawa nya.
Pero hindi lahat sa bahay ng Alcancia ay okay sa pagiging bahagi ni Sensen ng pamilya. Mararanasan niya ang pagtutol ng stepmother ni Doc Migs na si Divina (Jackie Lou Blanco) at ng ex-girlfriend nitong si Trixie (Winwyn Marquez). Lahat ay gagawin ni Sensen para sa kaniyang pamilya, ngunit wala ring makapipigil kay Divina para kamkamin ang yaman ni Lolo Badong kahit pa ikapahamak ito ng matanda at ni Sensen.
Ano kaya ang magiging kapalaran ni Sensen sa puder ng mga Alcancia? Hanggang kasulatan nga lang ba ang kanilang magiging ugnayan ni Doc Migs?
Lalong dapat tutukan ang rom-com series na ito mula sa GMA Public Affairs, gabi-gabi sa Telebabad ng GMA Network!