Kabilang si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo sa mga awardees ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa kauna-unahang SUDI Awards, na naglalayong kilalanin ang musical achievements sa bansa sa nakalipas na dalawang dekada.
“Lubos akong nagpapasalamat sa NCCA at sa buong selection committee na pinangungunahan ng ating National Artist for Music, Maestro Ryan Cayabyab,” ani Jonathan sa isang Facebook post. “Sobrang laking karangalan para sa akin na mapabilang sa grupo na ito ng mga awardees.”
Ang naturang national music award ay naglalayong parangalan ang natatanging kontribusyon ng mga Pilipino sa larangan ng paggawa ng musika, mga institusyon, at mga researcher sa iba’t ibang genre at paraan ng produksyon gamit ang pinakamataas na batayan at artistic excellence. Ang ‘sudi’ ay isang salitang Ilokano na nangangahulugang ‘bantog’, ‘ipinagbubunyi’, o ‘kilala’.
Kinilala si Jonathan para sa dekada ng 2010-2020 kasama ang Acapellago, Ateneo Chamber Singers, sina Ebe Dancel, Gerard Salonga, Gloc-9, Noel Cabangon, Rak of Aegis, ang Philippine Madrigal Singers, at ang The 70’s Bistro Bar.
Isang magaling at multi-awarded na songwriter, composer, arranger, at record producer si Jonathan na unang nakilala sa local music scene nang manalo sa “JAM: Himig Handog sa Makabagong Kabataan” noong 2001 para sa ngayo’y iconic nang kanta na “Tara Tena.”
Simula noon, nakapag-prodyus at release na siya ng mahigit 200 album at nakatanggap ng 75 multi-platinum at 100 gold certifications mula sa Philippine Association of the Record Industry (PARI). Ilan sa mga tumatak na pop hits niya ang “Pinoy Big Brother” theme song na “Pinoy Ako,” “Ililigtas Ka Niya” ni Gary Valenciano, “Para Lang Sa ‘Yo” ni Aiza Seguerra, “Paano Ba Ang Magmahal” nina Piolo Pascual at Sarah Geronimo, at “Patuloy Ang Pangarap” ni Angeline Quinto.
Siya rin ang nasa likod ng ilang key albums at awitin ng marami sa mga respetadong music artists sa bansa gaya nina Erik Santos, Kyla, Charice, Piolo Pascual, Juris, Toni Gonzaga, Jed Madela, KZ Tandingan, Inigo Pascual, Yeng Constantino, at Moira Dela Torre.
Magdaraos ng awarding ceremony ang SUDI Awards para sa mga awardees na mapapanood ngayong 2021 sa social media platforms ng NCCA.
Para sa iba pang detalye sa musika ni Jonathan, sundan ang like Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph), Twitter, at Instagram (@StarMusicPH).