Nagbabalik sa entablado ng “It’s Showtime” ang siyam na dating quarterfinalists ng “Tawag ng Tanghalan” para subukang masungkit sa pagtatapos ng linggo ang isa pang pinag-aagawang pwesto sa grand finals.
Sa ngayon, pasok na sa huling tapatan ng kumpetisyon sina Mara Tumale ng Malolos, Bulacan, JM Yosures ng Taguig City, at Ayegee Paredes ng Bukidnon matapos nilang magtagumpay noong nakaraang linggo sa semifinals.
Sa “Resbakbakan” naman ngayong linggo, nagbabalik sina Donna Gift Ricafrente, Evelyn Grace Martinez, at Shan Dela Vega ng Laguna, Opalhene Paghubasan ng Muntinlupa, at Isaac Zamudio ng Mandaluyong City. Maghahasik din ng bagsik sa kantahan sina Luis Gragera ng Rizal, at sina Marigelle Aguda, Erwin Diaz, at Rommel Arellano ng Batangas.
Sa “Resbakbakan” na ito, pag-aagawan ng singers ang isang seat of power at hahamunin nila ang isa’t isa para makita kung sino ang aangat sa lahat.
Araw-araw, tatlong singers ang magbabanggaan at ang makakakuha ng pinakamataas na score sa kanila mula sa mga hurado ang uupo sa seat of power. Ang makakakuha naman ng pinakamababang score sa tatlo sa araw na iyon ay magpapaalam na sa kumpetisyon.
Ang ‘resbaker’ naman na nasa seat of power ang may kapangyarihang pumili kung gusto niyang lumaban o magpahinga muna sa susunod na araw. Kung magpa-pass siya sa labanan, kailangan naman niyang isuko ang kanyang seat of power at pumili ng dalawang resbakers na itatapat niya sa top 2 singer ng kumpetisyon.
Sino kaya sa siyam na ‘resbakers’ ang matitirang matibay at didiretso sa grand finals?
Napapanood ang “It’s Showtime” tuwing tanghali sa A2Z channel sa digital at analog TV. I-scan lang ang digital TV boxes para hanapin ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.
Patuloy din itong napapanood mula Lunes hanggang Sabado sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa), sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.