in

Kababalaghang itinakda ng kapalaran, mananakot na sa ‘Horrorscope’ ng iWantTFC

Malagim na kapalaran ang nakatakdang gumimbal sa mga manonood sa pagsisimula ng 2021 sa pagdating ng “Horrorscope,” ang bagong original horror anthology series ng iWantTFC na mapapanood na sa buong mundo simula Enero 13.

Tampok ang mga bidang sina Charlie Dizon, Elisse Joson, Patrick Quiroz, Fino Herrera, Iyah Mina, at Paolo Gumabao, maghahatid ng katatakutang nakaukit sa mga bituin ang “Horrorscope.” Ito ang mga kasunod na kabanata ng “Scorpio” episode ni Jake Cuenca sa “Sitsit,” na napapanood na rin ngayon sa iWantTFC.

Sa “Virgo” episode ng “Horrorscope,” sasabak si MMFF 2020 Best Actress Charlie Dizon sa unang horror role niya bilang si Ronalyn, isang baguhan at maprinsipyong pulis. Mapipilitan siyang mapasama sa grupo ng mga baluktot na “ninja cops” na kinabibilangan ng mga boss niya, kapalit ng pagtaas ng kanyang ranggo.

Para makapasok sa grupo, kailangan niyang patayin ang isang bihag na drug runner, na makikilala niya bilang ang dating kasintahan niyang si Dado (Fino Herrera). Ngayon, kailangang mamili ni Ronalyn kung gagawin niya ang tama alang-alang sa sinumpaang tungkulin o isalba ang sarili niyang buhay.

Sa “Leo” episode naman, gagampanan ni Iyah Mina si Leona, isang fashion designer na dinadalamhati ang pagkamatay ng kanyang mas nakababatang boyfriend na si Jonas (Paolo Gumabao). Dahil sa kagustuhang makasama itong muli, kukuha siya ng espiritistang bubuhay sa katawan ni Jonas.

Ngunit karma ang magiging bunga ng kasakiman ni Leona, dahil maaaring buhay niya rin ang kapalit at ang inaasam ng namayapang minamahal.

Mapapanood naman sa “Libra” episode si Patrick Quiroz bilang ang sakristang si Ponce na tutulong sa isang pari na mapalayas ang masamang espiritung sumapi sa misteryosong babaeng si Clarissa (Elisse Joson). Sa pag-usad ng ritwal, unti-unting lalakas si Clarissa kasabay ng paglaki ng tiyan niya para ipanganak ang isang demonyo.

Para pigilan ang pagkakasilang ng anak ng kadiliman, magdedesisyon ang pari na patayin ang babae. Ngunit alin ang mas babagabag sa konsensya ni Ponce – ang pagpatay sa isang inosenteng babae o ang pagkakasilang ng demonyong magpapahamak sa sangkatauhan?

Ang “Horrorscope” ay nilikha, ipinrodus, at idinirek ni Ato Bautista, na siya ring nagdirek ng unang kabanata nitong “Scorpio” sa “Sitsit” movie series ng iWantTFC.

Mapapanood na ng standard at premium subscribers worldwide ang tatlong kwento ng katatakutan sa “Horroscope” sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com simula Enero 13. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWantTFC, o sundan ang @iwanttfc sa Twitter at Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantTFC. Kung may mga katanungan naman, ipadala ang mga ito sa Facebook page ng iWant TFC o mag-e-mail sa [email protected].

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Drew Arellano, tuloy pa rin ang K-Pop experience

Rochelle Pangilinan, gaganap bilang inang hirap magbuntis sa #MPK