Sa kanyang pagbalik sa outside world matapos ma-evict kagabi (Enero 3), bitbit ng “PBB Connect” ex-housemate na si Russu Laurente ang pagpapatawad ni Big Brother sa kanyang naging pagsuporta noong sa ABS-CBN shutdown.
Nakakuha lamang si Russu ng 4.39% na pinagsamang Kumu at text votes kaya naman siya ang natanghal na pangalawang evictee ng programa.
Bago pa man magpaalam sa Bahay ni Kuya, inamin ni Russu sa kapwa housemates at kay Big Brother ang kanyang naging posisyon sa isyu ng network noon, na siya namang naging tampulan ng usapan ng netizens dahil sa mga naungkat niyang tweets.
Sa episode noong Sabado (Enero 2), kusang humingi ng tawad si Russu kay Kuya at ipinaliwanag kung bakit siya nagsisisi sa kanyang pagkakamali.
“Alam ko po Kuya na nasaktan po kayo na minsan po isa rin ako sa mga sumang-ayon sa pagpapasara ng iyong tahanan nong mga panahong hindi ko pa alam ‘yung mga nangyayari, ‘yung mga totoong nangyayari po sa mga nakikita ko po Kuya. I’m sorry po Kuya kung nasaktan ko po kayo at ‘yung pamilya po ng ABS-CBN,” paliwanag ni Russu.
Agad namang pinatawad ni Kuya si Russu at pinuri dahil sa kanyang pagpapakumbaba. Ani Kuya, “tulad nga ng sinabi ko Russu at palagi kong sinasabi, hindi dapat nagiging basehan ang ating nakaraan para manghusga ng pagkatao at sa pag-ako ng pagkakamali natin, iwan na natin ang mga pagkakamaling ito. Nawa’y lahat tayo may matingnan na bagong kinabukasan sa bagong tao na ito. At Russu sa pagbatikos mo, sa pagsuporta sa pag-shutdown ng tahanang ito, tinatanggap ko ang pagpapakumbaba mo. Kahit ganon ‘yung nangyari, naging bahagi ka na rin ng pamilya ito.”
Samantala, pagkalabas ni Russu ng Bahay ni Kuya kagabi, sinalubong siya ng mahigpit na yakap mula sa “PBB Connect” hosts na sina Robi Domingo at Toni Gonzaga. Idiniin din ni Robi sa publiko na hindi dapat ituring na kalaban si Russu.
“Si Russu po para sa akin hindi kaaway, hindi siya villain. Isa siyang victim ng broken system. Ang maganda po rito, matuto tayo ng sabay-sabay. Let’s grow as Filipinos.”
Para naman kay Toni, hindi dapat agad husgahan ang isang tao dahil sa isang pagkakamali. “A person is not defined by a mistake. He is defined by how he rises up,” sambit ni Toni.
Dagdag din ni Toni sa kanyang Instagram post tungkol sa eviction, “now that he knows better, he will do better. I hugged the boy after the show and he kept apologizing. Forgiveness is a gift everyone deserves.”
Ano pa kayang mga aral ang masusubaybayan sa teleserye ng totoong buhay?
Tutukan iyan at iba pang mga pangyayari sa “PBB Connect,” 10 pm tuwing Lunes hanggang Sabado sa A2Z channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at ABS-CBN Entertainment Channel. Samahan din sina Bianca at Robi sa “PBB KUMUnect Tayo” ng 10 pm (Lunes hanggang Sabado) at 8:30 pm (Linggo) at sina Melai at Enchong sa “PBB KUMUnect Tayo Afternoon Show” ng 5 pm sa PBB Kumu account (https://app.kumu.ph/PBBabscbn). Abangan din ang updates ni Richard anumang oras sa araw sa “PBB” official accounts sa Facebook (PBBABSCBNTV), Twitter (PBBABSCBN), Instagram (PBBABSCBNTV), at YouTube (Pinoy Big Brother).
Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.