in

‘Darna,’ isang teleserye na; Kapamilya stars muling pumirma ng kontrata sa Star Magic

Lilipad na sa 2021 bilang teleserye ang “Darna”; ito ang pormal na inanunsyo ng ABS-CBN chief operating officer ng broadcast na si Cory Vidanes sa “Star Magic Shines On” event kung saan pumirma rin ng kontrata ang ilan sa mga maniningning na bituin ng ABS-CBN ngayong araw.

“Tuloy na tuloy na po ang paglipad ni Darna. Ngayong 2021 na po, Mars Ravelo’s ‘Darna: The TV Series,’” ani Vidanes.

Inanunsyo rin sa nasabing event ang pagganap ni Jane de Leon sa tanyag na Pinay superhero kasabay ng kanyang pagpirmang muli ng kontrata sa Star Magic.

Ani Jane, “Nangingibabaw lang talaga sa akin ‘yung kasiyahan. Excited ako sa darating na chapters sa buhay ko,” Jane said. “It’s another dream na naman na natuloy… Grabe ‘yung pasasalamat ko talaga sa mga boss dahil until now, ‘yung pagtitiwala nila na sa akin pa rin ibigay ‘yung bato, nandoon pa rin,” ika pa ni Jane.

Bukod kay Jane, pumirma rin ng kontrata sa ABS-CBN ang tinaguriang Millennial Multimedia Idol na si Kim Chiu, leading men na sina Enchong Dee, JM De Guzman, at Joseph Marco, MYX VJ at host na si Robi Domingo, Teen Idol na si Andrea Brillantes at aktres na si Kira Balinger. Sila ay sinamahan ng bagong P-Pop groups mula sa Star Hunt na “BINI” at “SHA Boys.”

Mapapanood simula December 14 si Kim sa bagong palabas ng Dreamscape Entertainment na pinamagatang “Bawal Lumabas.” Mainstay pa rin si Kim sa “ASAP Natin ‘To” at “It’s Showtime.”

Magkakasama naman ang “Pinoy Big Brother Connect” host at Netflix film “Alter Me” top-biller na si Enchong at Gold Squad member na si Andrea sa “Huwag Kang Mangamba,” isang bagong teleseryeng aabangan ng lahat sa 2021. Mapapanood din sa nasabing teleserye ang Gold Squad members na sina Francine Diaz, Kyle Echarri, at Seth Fedelin.

Samantala, muling bibida si JM ngayong 2021 sa “Init sa Magdamag” kasama sina Gerald Anderson at Yam Concepcion. Tiyak na aabangan rin ng kanyang fans ang nalalapit niyang Star Cinema movie.

Tampok sa dalawang Metro Manila Film Festival (MMFF) entries ngayong taon si Joseph na kamakailan lang ay nagpasiklab bilang si Avel sa hit Primetime Bida series na “Ang Sa Iyo Ay Akin.”

Kasalukuyan namang host si Robi ng “Pinoy Big Brother Connect” na magbubukas na sa darating na Linggo (Disyembre 6) sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z channel 11, at Kumu. Bukod sa PBB, game master din si Robi ng pambansang game show ng Pilipinas, “Game KNB?” na mapapanood saan man sa mundo sa pamamagitan ng TFC, TFC IPTV, at Kumu.

Pumirma rin ng kontrata sa Star Magic si Kira na kasalukuyang gumaganap bilang Hope sa “Ang Sa Iyo Ay Akin.” Makakaasa naman ang fans ni Kira at ni Grae Fernandez na buong-buo pa rin ang love team na “KiRae” dahil magkakasama pa rin ang dalawa sa isang teleserye at online project soon.

Bukod sa walong artista na mananatiling Kapamilya, bahagi na rin ng Star Magic ang bagong P-Pop groups mula sa Star Hunt na “BINI” at “SHA Boys.” Kabilang sa mga miyembro ng “BINI” sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena. Sina Gelo, Mikki, Akira, Nate, at JL naman ang bumubuo sa “SHA Boys.”

Kamakailan lang ay pinahanga ng “BINI” ang madlang pipol nang mag-perform ang grupo sa “It’s Showtime.” Humakot ng halos tatlong milyong views ang bidyo ng kanilang performance sa Facebook. Samantala, hindi rin nagpahuli ang “SHA Boys” dahil pinagusapan din online ang kanilang “Tala” at “Kilometro” performances sa “ASAP Natin ‘To.”

Nagpabatid naman ng mensahe ng pag-asa si ABS-CBN chairman Mark Lopez tungkol sa patuloy na pagseserbisyo ng kompanya sa mga Pilipino.

“Maraming salamat sa inyong pagtitiwala. Sa pagbubukas ng bagong taon, kami ay umaasa at nananatiling positibo sa aming mga artista, ABS-CBN leaders, mga empleyado, at lalong-lalo na sa aming masusugid na Kapamilya. Alam naming mas mas mataas pa ang maaabot ng ABS-CBN sa aming patuloy na paglilingkod sa mga Pilipino saan man sa mundo,” saad ni Lopez.

Ayon naman kay ABS-CBN president and chief executive officer Carlo Katigbak, ang pagiging Kapamilya ay hindi lamang isang trabaho, kundi isang “calling” upang makapagsilbi sa sambayanang Pilipino. Pinasalamatan din niya ang Kapamilya artists na nanindigan para sa network sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan nito.

“Gusto kong pasalamatan ang mga Kapamilya natin na inirerepresenta ang ABS-CBN sa mundo. Kayo ang nagbibigay ng liwanag at ligaya sa ating mga Kapamilya. Salamat sa pagiging parte ng ating misyon, sa pagtitiwala sa ABS-CBN, at inyong patuloy na pagsuporta sa kabila ng ating mga pinagdaraanan,” ani Katigbak.

Tinapos ni Katigbak ang kanyang speech sa pamamagitan ng pag-anunsyo sa bagong head ng Star Magic na si Laurenti Dyogi na nagpasalamat din sa Kapamilya artists na nanatili at pumirma ng kontrata sa talent agency.

“Kilala ang Star Magic sa pagbubuo, paghahasa, at pangangasiwa sa ilan sa mga maniningning na artista sa industriya, at ating ipapapatuloy ang tradisyon na ito,” saad ni Dyogi na opsiyal nang magiging head ng Star Magic ngayong January 2021 habang pinamumunuan ang TV production.

“Sa aming pag-welcome sa mga bagong artista na bubuo sa ating Star Magic family, gusto rin naming ipahatid ang aming lubos na pasasalamat sa Star Magic artists na piniling samahan ang ABS-CBN sa muling pagbangon nito,” dagdag pa niya.

Napanood din nang live ang “Star Magic Shines On” event sa KTX.ph, ABS-CBN at Star Magic Facebook page at YouTube channel, abs-cbn.com website, at sa iWant TFC.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

May panibagong handog ang GMA Artist Center para sa Kapuso fans!

Lovi Poe, waging Best Actress sa 10th International Film Festival Manhattan