Umapaw ang emosyon ni Kim Chiu nang mapanood niya ang trailer para sa original series na “Bawal Lumabas” kaya naman hindi niya napigilang maiyak nang maisapubliko ito.
“Nag-flashback sa akin lahat simula nag-start ang ‘Bawal Lumabas.’ One mistake won’t define you as a person,” ang nakasulat na caption ni Kim sa kanyang Instagram video kung saan nagpupunas siya ng luha habang pinapanood ang trailer. “When you make a mistake, don’t look back at it long… ‘Mistakes’ are lessons of wisdom. The past cannot be changed. The future is yet in your power.”
Ngayong Disyembre 14 na mapapanood sa iWantTFC streaming service ang naturang family dramedy. Tampok naman sa trailer ang hit song niyang “Bawal Lumabas,” na inspired din mula sa statement niyang nag-viral noong Mayo.
Isang pamaskong handog ng ABS-CBN, ang bagong serye naman ay iikot sa kwento ng pamilya ni Eme (Kim), isang overseas worker na umuwi sa kanyang pamilya para makasama sila ngayong Pasko. Ngunit sa tagal nang hindi sila nakikita, tila hindi na niya kilala ang mga kapatid niya at susubuking mapalapit sa kanilang muli.
Magpapakilig din sa serye Francine Diaz at Kyle Echarri, at kasama rin sa cast sina Rafael Rosell, Paulo Angeles, at Trina Legaspi. Idinirek naman ito ni Benedict Mique.
Mapapanood ng standard at premium subscribers ang “Bawal Lumabas: The Series” simula Disyembre 14 sa iWant TFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWantTFC o sundan ang @iwanttfc sa Twitter at Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantTFC. Kung may mga katanungan naman, ipadala ang mga ito sa Facebook page ng iWant TFC o mag-e-mail sa [email protected].