in

AILEE, Cheesa, Jake Zyrus, Matt Bloyd, Nicole Scherzinger, Pia Toscano, Regine Velasquez, at Sheléa, may awiting kabilang sa ‘Kaibigan: A Troy Laureta OPM Collective’

Inilunsad na ng Filipino-American music director to the stars na si Troy Laureta ang album na pinamagatang “KAIBIGAN: A Troy Laureta OPM Collective,” tampok ang boses ng world-class artists na sina AILEE, Cheesa, Jake Zyrus, Matt Bloyd, Nicole Scherzinger, Pia Toscano, Regine Velasquez, at Sheléa.

Isang co-production kasama ang ABS-CBN Music International, layunin ng “KAIBIGAN” na ibida ang OPM love ballads sa buong mundo.

Maririnig dito ang “Harana” bilang panimulang kanta at sinusundan ito ng walong awitin na tinugtog ng mga musikero mula sa US at Asya at inawit ng mga kaibigan ni Troy mula sa industriya.

Ang South Korean artist na si AILEE ang nagbigay-buhay sa awitin ni Martin Nievera na “Kahit Isang Saglit,” isa sa paboritong karaoke anthem ng ama ni Troy.

“AILEE is a massive star from South Korea, and I am such an admirer of her extraordinary gift. I knew she would be perfect to interpret and do this song justice (Isang malaking star si AILEE sa South Korea, at isa ako sa bilib sa kanyang talento. Naniniwala ako na siya ang nararapat mag-interpret ng kanta at mabibigyang hustisya niya ito),” ani Troy.

Ang YouTube star at ‘phenomenal singer’ na si Matt Bloyd mula sa Los Angeles naman ang singer sa likod ng “Bakit Pa Ba” na unang inawit ni Jay-R mula sa komposisyon ng paboritong OPM songwriter ni Troy na si Vehnee Saturno.

Samantala, ang “The Voice (US)” season 2 quarterfinalist at nakababatang kapatid ni Troy na si Cheesa ang napiling umawit ng Jessa Zaragoza original na “Bakit Pa.” Ayon kay Troy, paborito nilang magkapatid awitin ang kanta noong mga bata pa sila.

Hiniling naman ni Troy sa dating myembro ng Pussycat Dolls na si Nicole Scherzinger na maghandog ng interpretasyon sa “Pangako” na unang inawit ni Regine. Aniya, “I wanted Nicole to do this song because of its significance of a promise. Nicole and I share Filipino roots, and although we’ve been in America, like the song says, we promise to never forget, never leave, [and] always love our roots (Ginusto ko na si Nicole ang kumanta nito dahil sa halaga ng isang pangako. Pareho kaming may Filipino roots at kahit pa nasa Amerika kami ay nangangako kami na mahalin ang aming pinagmulan at huwag makalimot kahit kailan).”

Para naman sa “Kailangan Kita” na isinulat ni Ogie Alcasid, pinili niyang umawit nito ang “American Idol” season 10 finalist na si Pia Toscano. Ayon kay Troy, may talento sa pagbirit ang New York-based singer.

Si Jake Zyrus naman ang nagbigay-buhay sa kantang “Usahay,” na inaalay ni Troy sa kanyang lola at ina na nagmula sa Cebu. “I wanted to do a stoic, simple version of this song with Jake, concentrating on his tone and drawing out the emotion that exudes from a song like ‘Usahay’ (Gusto ko ng simpleng bersyon ng kanta kasama si Jake, na nakatutok sa tono niya at emosyon ng kanta).”

Isinama rin ni Troy ang komposisyon ni Jonathan Manalo at unang inawit ni Angeline Quinto na “Patuloy Ang Pangarap” dahil sa mensahe ng kanta, at napili niya ang American singer, songwriter, at pianist na si Sheléa na kumanta nito.

Tinapos ni Troy ang album sa pamamagitan ng espesyal na awitin para sa kanyang lolo, ang “Hanggang Sa Dulo ng Walang Hanggan” na kinanta ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez. Aniya, ang awiting ito ay nagpapahayag ng kayang “undying love” para sa pinanggalingan niya at para sa kultura at musikang Pinoy.

Pakinggan ang “KAIBIGAN” album sa iba’t ibang digital platforms worldwide at panoorin ang lyric videos nito sa YouTube channel ng Star Music.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Cast ng ‘First Yaya,’ start na rin sa lock-in taping!

Kate Valdez, may advice sa mga kabataang nag-aadjust sa new normal