Malaki ang pasasalamat ni Sanya Lopez sa pagtitiwalang ibinibigay sa kanya ng Kapuso Network. At sa dalawang paparating niyang projects, parehong beteranong aktor ang makakasama niya.
Kamakailan lang ay na-announce ang kanyang kauna-unahang title role sa First Yaya kung saan makakapareha niya ang mahusay na aktor na si Gabby Concepcion. Bukod diyan, gaganap din siyang leading lady ni Senator Bong Revilla sa Agimat ng Agila.
Aniya, “I’m very happy na binigyan ako ng GMA ng opportunity na talagang mai-partner sa kanila. Ang gagawin ko talaga is galingan ko dahil alam naman nating mahuhusay sila.”
Hindi rin daw issue kay Sanya na wala siyang regular love team, ang mahalaga raw ay maipakita niya sa viewers na epektibo ang kanilang on-screen chemistry at mahusay niyang magampanan ang kanyang mga karakter.