Ipinakilala na ng Star POP music label ang pinakabago nitong artist na si Kanishia na maglulunsad ng debut single niya na “A Little Taste of Danger” bukas (Oktubre 16).
Kahit na ngayon lang sumabak sa recording, hindi naman baguhan ang 19-anyos sa pag-arte, pagkanta, at pagsayaw. Nagsimula siyang mag-perform noong bata pa siya at may limang taon ding experience sa school theater productions.
“Nagustuhan ko pong kumanta mga 7 years old pa lang po ako, gusto ko po ‘yung nagpe-perform sa stage, nage-entertain ng people. Hindi lang ‘yung pinapakita ‘yung talent sa voice, pero acting din po,” aniya.
Ngayon, bibida na si Kanishia sa mainstream sa puno ng good vibes niyang single na “A Little Taste of Danger” tungkol sa pagkawala sa comfort zone at pagdiskubre sa kung ano pa ang mga kayang gawin ng isang tao.
“Naka-relate po ako sa song kasi tuwing pinapakinggan ko, nakaka-imagine ako ng butterfly coming from a caterpillar. Pwede ka mag-bloom ‘pag nakakuha ka ng maraming experience,” paliwanag ni Kanishia.
Ang singer songwriter na si Marion Aunor ang nagsulat ng lyrics at musika ng kanta, habang sina Jack Rufo at ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo naman ang nag-produce nito.
Bagong adisyon si Kanishia sa magagaling na talent sa ilalim ng Star POP, isang music label ng ABS-CBN para sa mga kabataan na pinangungunahan ni Rox Santos.
Pakinggan ang bagong kanta ni Kanishia na “A Little Taste of Danger” simula bukas (Oktubre 16) sa iba’t ibang digital music streaming services. Para sa iba pang detalye, sundan ang Star POP sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at Instagram (@starpopph).