Hindi napigilang maluha ni Shaira Diaz nang ipaalam sa kanya na siya ang napiling leading lady ni Ruru Madrid sa upcoming action-adventure series ng GMA Public Affairs na “Lolong”.
Sa report na umere sa 24 Oras nitong Miyerkules, napanuod si Shaira na talagang nagulat at napaiyak pa nang sabihin sa kanya na siya ang magiging kapareha ni Ruru. Noong una raw ay akala ni Shaira ay nasa online screen test siya para sa nasabing role. “Nahirapan ako via Zoom na umarte pero sobrang nagpapasalamat ako sa prod, sa Public Affairs for choosing me,” pagbabahagi ng Kapuso star.
Nagpost din si Shaira sa kanyang social media account kung saan inamin niyang dream role niya ang makasama sa isang action-adventure series. Malaki rin ang pasasalamat niya sa tiwalang ibinigay sa kanya ng Kapuso Network.
“Matagal ko ng pangarap ang action, simula palang nung nagstart ako sa industriyang ito. Kaya sobra nalang ang pagiyak ko nung sinabi nila na ako ang napili para gumanap sa role na yun.”
“Gustong kong magpasalamat sa aking home network ang GMA, GMA News & Public Affairs, GMA Artist Center, my manager Sir Arnold Vegafria & ALV Talent Circuit Inc. sa napakalaking tiwala na binigay ninyo sa akin, salamat sa paniniwala!! Hindi ko po kayo bibiguin. Ibibigay ko talaga ang 1000% ko!! At higit sa lahat, maraming salamat sa Panginoon!!!! #ToGobetheglory #LOLONG”