Simula Lunes (Oktubre 5), mapapanood na sa “TV Patrol” ang beteranong mamamahayag na si Henry Omaga-Diaz upang maghatid sa mga Pilipino ng pinakamalaking mga balita kasama nina Noli “Kabayan” De Castro at Bernadette Sembrano-Aguinaldo.
Lubos ang pasasalamat ni Henry, na mahigit 40 taon na sa industriya, sa oportunidad na makabalik sa pangunahing newscast ng ABS-CBN, kung saan nagsilbi rin siyang anchor noong 2001 hanggang 2003, at mula 2004 hanggang 2006 naman sa “TV Patrol Weekend.”
“Ang TV Patrol ay isa sa pinakamahabang newscast, biruin mo 30 years na ito sa ere, at pinakamalawak rin sa buong bansa. Hindi lamang nakakarating dito sa Pilipinas pati sa mga kababayan natin sa ibang bansa. Ang pagbalik ko sa TV Patrol ay isang malaking karangalan. Kahit na sabihin natin na limited ang platform ngayon, napakarami kahit sa social media ang nag-aabang at naniniwala pa rin sa TV Patrol,” aniya.
Ayon naman kay ABS-CBN News head Ging Reyes, si Henry ay isang huwarang mamamahayag na marami nang nagawang makabuluhang ulat at may integridad na hindi matatawaran.
“Kung saan-saan na sa mundo ang narating ni Henry sa kanyang pagbabalita. Gayunpaman, nananatili siyang nakatuon sa kanyang misyon na mag-ulat ng katotohanan. Hindi na nakagugulat ang kanyang pagbabalik sa ‘TV Patrol’ dahil isa siyang patunay na ang galing ng mamamahayag ay nakabatay sa kanyang paglilingkod sa publiko,” sabi ni Ging.
Halos 30 taon na si Henry sa Kapamilya network kung saan nagsimula siya bilang reporter sa radyo bago pumasok sa telebisyon. Dito nagbalita siya tungkol sa mga sakuna, sagupaan, at mga mahahalagang pangyayari sa ibang bansa tulad ng kaso ng domestic helper na si Sarah Balabagan sa Middle East, at ang paglilikas sa mga OFW mula sa Libya sa kasagsagan ng kaguluhan doon noong 2011.
Naging bahagi rin siya ng mga programang “XXX,” “Krusada,” at “Bandila” at nakilala sa kanyang mga istoryang nagsisiwalat sa mga anomalya sa gobyerno at pang-aabuso sa lipunan. Kabilang dito ang 2014 investigative report niya sa mga drug syndicate sa loob ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa at ang planong pagpapaalis sa mga residente ng CHILD HAUS, isang tuluyan para sa mga batang may kanser, nung 2016.
Sa kanyang pagbabalik sa “TV Patrol,” kinasasabikan ni Henry ang makasama ang kanyang mentor sa broadcasting na si Kabayan at dating co-anchor sa “TV Patrol Weekend” na si Bernadette.
“Ang makakasama ko ay maituturing na mga haligi ng pagbabalita sa TV Patrol. Sana mapunan ko ‘yung expectation sa akin ng mga tao, ang inaasahan sa akin ni Kabayan, dahil siya ang mentor ko, at magawa ko ‘yung aking trabaho bilang mamamahayag at makapagbigay pa ng mas makatotohanan na balita at impormasyon para sa mga kababayan natin,” dagdag niya.
Manood ng “TV Patrol” mula Lunes hanggang Biyernes ng 6:30 pm sa Kapamilya Channel, ANC, at TeleRadyo sa cable at satellite TV, at via livestreaming sa iba-ibang plataporma ng ABS-CBN News online at sa iWantTFC. Para sa balita, bumisita sa news.abs-cbn.com o sundan ang @ABSCBNNews at @TVPatrol sa Facebook at Twitter. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.