Nakasungkit ng nominasyon ang dokumentaryo tungkol kay Jake Zyrus na “Jake and Charice” sa prestihiyosong 2020 International Emmy Awards para sa kategoryang ‘arts programming.’
Makakatapat nito ang mga kapwa nominadong “Refavela 40” ng Brazil, “Vertige de la Chute (Ressaca)” ng France, at “Why do we Dance?” ng United Kingdom sa awarding ceremony na gaganapin sa New York City sa Nobyembre 23 (Lunes).
Producer ang NHK Documentary Japan habang co-producer naman ang ABS-CBN ng “Jake and Charice” na tumatalakay sa pinagdaanang pagbabago ng Filipino artist mula sa pagiging biritera na si Charice hanggang sa pagiging proud transman niya na si Jake.
Halos kasabay ng release nito sa Japan noong November 2019 ang album ni Jake na “Evolution” mula sa Star Music, na ayon kay Jake ay tungkol din sa ebolusyon ng buhay niya.
Ang produksiyon at creative processes ng seven-track album kung saan co-producer si Jake kasama si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ay mapapanood din sa dokumentaryo, at ang mga kanta mula rito gaya ng “Love Even If” at “Diamond” ay ginamit din sa mahahalagang parte ng docu film.
Kamakailan lang, nakatanggap din ng Gold Camera award ang “Jake and Charice” sa 2020 US International Film and Video Festival.
Pakinggan ang “Evolution” album ni Jake Zyrus at ang pinakabago niyang single na “Miss You in the Moonlight” sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph), at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).