Patuloy ang pagtulong ng ABS-CBN public service program na “Iba ‘Yan” ni Angel Locsin hanggang sa digital show nito na “IbaYanihan” sa Kapamilya Online Live, kung saan iba’t-ibang Kapamilya stars ang kaagapay sa panawagang tumulong sa mga nangangailangan sa gitna ng pandemya.
Napapanood tuwing commercial gaps ng “Iba ‘Yan,” natutunghayan sa naturang palabas ang kwento ng mga taong tinutulungan ng “Iba ‘Yan” at mga paraan paano sila maaabutan ng tulong ng mga manonood mula sa kanilang mga tahanan.
Isa rito ang pagpadala ng donasyon sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation BDO Account 005630050932 (Mother Ignacia branch). Maaari rin itong gawin gamit ang GCash app at pag-deposit sa nasabing account.
Sa unang pagpalabas nito noong Agosto 23, inimbita ni Robi Domingo ang mga nakatutok sa Kapamilya Online Live na mag-abot ng donasyon sa Wipe Every Tear, ang organisasyong tumutulong sa mga babaeng biktima ng human trafficking at prostitusyon. Sinundan naman ito noong Agosto 30 kasama si Dimples Romana na nanawagan upang makalikom ng tulong para kay Nanay Ligaya Piadoche, ang may-ari ng Heaven’s Touch Cuisine na tumutulong sa frontliners ngayong pandemya.
Bukod naman sa mga bidang kwento, may hatid na inspirational performance din ang Kapamilya singers, gaya ni Angeline Quinto na umawit ng nakakaantig na OPM song.
Napapanood ang “Iba ‘Yan” tuwing Linggo, 6:15 PM sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live.
Para patuloy na maging updated sa mga nakakaantig na kwentong hating ng “Iba ‘Yan,” pumunta lamang sa Facebook (fb.com/IbaYanPH), Twitter (@IbaYanPH), at Instagram (@IbaYanPH).