Marami raw naging realizations ang award-winning comedian at content creator na si Michael V. matapos dumaan sa matinding pagsubok nang magpositibo siya sa COVID-19.
Sa special comeback episode ng ‘Pepito Manaloto: Ang Tunay Na Kuwento’ na napanood noong Sabado, ibinahagi ni Bitoy sa kanyang co-stars na mas naging pursigido sila ng asawang si Carol Bunagan na tumulong sa kapwa.
Aniya, “Marami ka pang puwede tulungan, kahit malaki, kahit gaano kaliit. Basta ‘yun din ‘yung tinuturo namin sa mga anak namin–maganda na makahanap ka ng kahit maliit na project na may narinig ka na kailangan ng tulong.”
Hindi rin daw kailangang sa materyal na paraan, kahit simpleng pagtawag o pagkumusta lang ay malaking bagay na raw sa panahon ngayon.
Pinayuhan din ni Bitoy ang viewers kung paano poprotektahan ang kanilang sarili upang makaiwas sa sakit. Super enjoy naman ang fans ng Pepito Manaloto sa naganap na masayang online kwentuhan ng cast.