Kinakagigiliwan ng mga manonood ngayon ang pinakabagong segment ng “It’s Showtime” na “Mas Testing” dahil bukod sa katatawanan at good vibes ay handog din nito ang papremyong cash para sa online viewers na live na nakatutok sa programa.
Patok sa viewers ang “Mas Testing” kung saan hinuhulaan ng isang host o nakatalagang “tumpak tracer” kung sino sa dalawang PUT o “persons under testing” ang mas lamang sa iba’t ibang test base sa obserbasyon at personal na detalye nila.
Sa bawat tamang hula ng “tumpak tracer,” mamamahagi ang “It’s Showtime” ng P3,000 sa madlang people na live na nanonood online. Kailangan lang nilang mag-post ng komento sa Facebook o Twitter gamit ang opisyal na hashtag ng palabas sa bawat araw.
Kapag hindi naman ito nahulaan nang tama, may kaakibat na parusa o “fun-ishment” ang “tumpak tracer.” Ganadong ganado ang hosts na gawin ang mga nakakatuwang parusa na ito kaya naman kinatutuwaan ito ng madlang people at libo-libong views ang nakukuha sa YouTube.
Mula Lunes hanggang Sabado, napapanood tuwing tanghali ang buong pamilya ng “It’s Showtime” sa Kapamilya Online Live sa Facebook page at YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment pati na “It’s Showtime” Facebook at YouTube.
Angat din sa “Mas Testing” ang kulitan at tawanan ng hosts kaya naman maraming netizens ang nagsabing inaabangan nila ito araw-araw at nami-miss nang panoorin ang “It’s Showtime” sa free TV.
“Kaya nakaka-miss ang Showtime e. Masaya talaga sila panoorin. Sana makabalik na agad kayo sa TV. Malungkot talaga ang buong araw kasi walang mga Kapamilya show. Pero maghihintay kami Kapamilya hanggang sa inyong pagbabalik,” sabi ni Princess Marvhie Amescua sa YouTube.
“They still have so much fun. You see? You might have killed their station for now but not the happiness they have with each other. Something we can call ‘clean fun,” komento naman ni Lavina Ampit.
“Isa ito sa pinakamagandang segment ng Showtime ngayon, nakakatawa,” post ni Jess Licuanan.
“Good vibes talaga kapag pinapanood namin. Nakakatanggal ng stress. Thank you Department of Happiness,” sabi ni @JoyceAnneConde2.
Makisaya sa “It’s Showtime” sa Kapamilya Channel sa SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat channel channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable Telecommunications Association (PCTA) sa buong bansa. Mapapanood din ito nang live sa Kapamilya Online Live sa Facebook page at YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment, pati na sa social media accounts ng “It’s Showtime” sa Twitter, YouTube, at Facebook.
Live din itong napapanood sa Kapamilya Channel sa iWant at mababalik-balikan naman ang episodes ng “It’s Showtime” sa iWant app o iwant.ph.