Ipapakita ni Elisse Joson ang mas mature at nakakaakit na persona niya sa pinakabago niyang single mula sa Star POP na “Halika Na.”
Ang nakakabighaning kanta ay ang unang solo single ng actress-singer mula sa nasabing ABS-CBN label. Tungkol ito sa kakaibang kwento ng hindi nasusukliang pag-ibig, kung saan matapang na inaakit ng isang babae ang lalaki na pinaniniwalaan niyang hindi na masaya sa karelasyon nito.
Isinulat nina Fia Castro at Mary Grace Negapatan ang “Halika Na,” habang si Michael “Cursebox” Negapatan naman ang nag-arrange at nag-mix at master nito. Si Star POP head Rox Santos ang nag-produce ng kanta.
Noong 2017, nag-release si Elisse ng album sa ilalim ng Star POP kasama ang dati niyang on-and-off screen partner na si McCoy de Leon na pinamagatang “McLisse.” Kasama rito ang cover ng mga kantang “Opposites Attract,” “Chinito,” “Para Lang Sa’yo,” “Yakap,” at “If We Fall In Love.”
Nag-cover din noong 2019 ang McLisse ng kanta ni Moira Dela Torre na “Tagu-taguan” para sa romantic-comedy film nila na “Sakaling Maging Tayo.”
Mas nakilala si Elisse noong naging housemate siya sa “Pinoy Big Brother: Lucky Season 7” noong 2016. Pagkatapos nito, napasama siya sa mga Kapamilya teleserye na “FPJ’s Ang Probinsyano,” “The Good Son,” “Ngayon at Kailanman,” at “Sandugo.” Bumida rin siya kamakailan sa “Ampalaya Chronicles” ng iWant.
Pakinggan ang “Halika Na” ni Elisse sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang StarPOP PH sa Facebook (www.facebook.com/starpopph), at Instagram (@starpopph). Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.