Raratsada na ang mga patok na ABS-CBN teleserye sa Africa, Latin America, at Asya simula ngayong taon. Kasama na rito ang “Brothers (FPJ’s Ang Probinsyano),” “The Heiress (Kadenang Ginto),” “Destined Hearts (Dahil May Isang Ikaw),” at “The General’s Daughter.”
Labing-apat na palabas ng ABS-CBN ang aarangkada sa Africa. Ito ay ang “Brothers” (FPJ’s Ang Probinsyano) ni Coco Martin, “The Heiress” (Kadenang Ginto) nina Dimples Romana at Beauty Gonzales, “The General’s Daughter” ni Angel Locsin, “La Luna Sangre” nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, “The Killer Bride” ni Maja Salvador, “Mea Culpa” (Sino Ang May Sala?) nina Jodi Sta. Maria at Bela Padilla, “Love Thy Woman” nina Kim Chiu, Xian Lim, at Yam Concepcion, “Fists of Fate” (Sandugo) nina Aljur Abrenica at Ejay Falcon, “A Soldier’s Heart” ni Gerald Anderson, “A Mother’s Guilt” (Hanggang Saan?) nina Sylvia Sanchez at Arjo Atayde, “Secrets of El Paraiso” (Araw Gabi) nina JM De Guzman at Barbie Imperial, “Two Hearts” (Sana Dalawa ang Puso) nina Jodi, Robin Padilla, at Richard Yap, at “Since I Found You” na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at Arci Munoz.
Sa Latin America, matutunghayan ang “Destined Hearts” (Dahil May Isang Ikaw) nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa sa Ecuador ngayong Agosto. Ikatlong palabas ng ABS-CBN na ito na mapapanood sa Ecuador, kasunod ng “Bridges of Love” at “Pangako Sa’Yo” (The Promise).
Sa Asya naman, nakatakdang magkaroon ng Indonesian remake ang “Love Thy Woman” at patuloy namang napapanood sa Myanmar ang “Los Bastardos,” “Sandugo” (Fists of Fate), at “Two Hearts” (Sana Dalawa ang Puso).
Ipapalabas din sa Pacific Islands ang “Since I Found You” at “Two Hearts” (Sana Dalawa ang Puso) ngayong Agosto at Setyembre.
Samantala, maging mga pelikula ng ABS-CBN ay mapapanood din sa ibang bansa. Ipalalabas ang “Dear Other Self” na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Xian Lim, at Joseph Marco sa Brunei. Matagumpay na ipinalabas kamakailan ang “My Perfect You” at “Barcelona” sa Vietnam.
Kilala ang ABS-CBN sa paglikha ng highest-rating na mga programa sa Pilipinas at paghatid ng mga dekalibreng Pilipinong palabas sa iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng ABS-CBN International Distribution.
Kamakailan ay inilunsad ng ABS-CBN ang Kapamilya Channel sa cable at satellite TV at ang Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook ng ABS-CBN Entertainment matapos hindi ito bigyan ng prangkisa para makapag-brodkast sa free TV at radyo. Napapanood din ang mga pelikula at palabas nito sa Internet sa iWant at TFC.
Sa ngayon, umabot na sa 50 teritoryo at 50,000 na oras ng content ang naabot at naipalabas ng ABS-CBN sa buong mundo.