Nagkasundo ang mga artista ng ABS-CBN at ang talent managers nila na bawasan ang talent fees para sa TV shows upang tulungan at suportahan ang network ngayong nakatigil pa rin ang operasyon nito sa TV at radyo.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng aming mga artista para sa pang-unawa at suporta na binibigay nila sa network lalo na ngayong may hinaharap itong pagsubok. Nakikita namin ang dedikasyon at kagustuhan nilang magbigay ng saya at ginhawa sa aming mga manonood sa kabila ng pandemya at pagkawala namin sa ere,” sabi ng ABS-CBN chief operating officer of broadcast na si Cory Vidanes.
Inumpisahan ng ABS-CBN ang pagbabawas sa sahod ng mga artista para makatipid sa gastusin. Pumapalo sa P30 milyon hanggang P35 milyon kada araw ang nawawalang kita sa kumpanya mula sa mga patalastas dahil sa pagkawala nito sa ere. Nadagdagan din ang gastos sa taping at live shows dahil sa bagong production guidelines habang may COVID-19 pandemic.
Suportado naman ng mga talent manager ang hakbang na ito, ayon kay Professional Artist Managers Inc. (PAMI) president June Rufino na sinabing naiintidihan nila ang sitwasyon ng ABS-CBN.
Ayon pa kay Rufino, kinikilala ng mga miyembro ng PAMI ang suporta, tulong, at trabahong ibinigay ng ABS-CBN sa mga talent nila sa loob ng maraming taon.
“In good times, ABS-CBN has been with us. In bad times, we want to be there for them. Ngayon alam nila, wala ang ABS-CBN. Naiintindihan nila iyon. We want to cooperate. We want to help ABS-CBN in whatever way we can and taking a pay cut is one way to do that,” sabi ni Rufino.
Dagdag niya, nalulungkot daw ang mga artistang hawak niya sa pinagdadaanan ngayon ng network.
“ABS-CBN has always been in the service of the Filipino. Kapag may calamities, yung ABS-CBN ang nauunang tumulong. Now, it’s time for us to pay it forward,” sabi ni Rufino.
Ibinalik kamakailan ng ABS-CBN ang ilang programa nito sa telebisyon sa Kapamilya Channel na napapanood sa cable at satellite TV sa buong bansa. Kabilang sa mga ito ang “FPJ’s Ang Probinsyano,” “A Soldier’s Heart,” “Love Thy Woman,” “Magandang Buhay,” “The Voice Teens,” “ASAP Natin ‘To,” and “It’s Showtime.” Naglunsad din ito ng mga bagong palabas na “Paano Kita Mapapasalamatan” at “Iba Yan.”
“Patuloy kaming maglilingkod sa mga Pilipino sa pamamagitan ng Kapamilya Channel sa cable, satellite TV, at iWant,” pahayag naman ni Vidanes.