Sa sampung taon na pag-ere ng award-winning sitcom na Pepito Manaloto, halos naging parte na ng buhay ng ilang Pilipino ang kwento ng mga bida nitong sina Pepito at Elsa.
Marami tiyak ang makaka-relate at matutuwa na masisilayan din ang naging buhay ng mga karakter sa show sa kasagsagan ng quarantine.
Wala pa man kasiguraduhan kung kailan magbabalik sa taping, masayang ibinahagi ng bidang si Michael V. na siya ring tumatayo bilang creative director ng show na kaabang-abang ang mga bagong episode na tatalakay sa naging karanasan ng Pamilya Manaloto sa gitna ng pandemya.
“Curious kami kung ano ang nangyari sa mga Manaloto at sa mga characters niya during quarantine. So most probably, hindi namin lalagpasan ‘yung chapter na ‘yun ng istorya ng Pepito Manalo.”
Taos puso rin daw silang nagpapasalamat sa mga masugid na tagasubaybay na siyang dahilan kung bakit sila nakapagdiwang ng ika-sampung anibersaryo nitong taon.
Tutukan ang masasayang kwento na kapupulutan din ng aral sa Pepito Manaloto, tuwing Sabado ng gabi, pagkatapos ng 24 Oras Weekend sa GMA Network.