Pinili ni Descendants of the Sun actor na si Rocco Nacino na sa ibang paraan niya ipaabot ang kanyang tulong sa mga higit na apektado ngayon ng COVID-19 pandemic. Lingid sa kaalaman ng lahat ay parehong navy reservist at registered nurse ang Kapuso hunk actor.
Ayon kay Rocco, pinili niyang magserbisyo sa pamamagitan ng kanyang fundraising campaign na “Food From the Heart” para makalikom ng donasyon at gamitin ang kanyang impluwensya para makapagbigay ng inspirasyon sa mga nahihirapan.
Ang desisyon na ito ay rekomendasyon din daw ng kanyang talent management na GMA Artist Center at kanyang pamilya.
Hindi man aktibong miyembro ng reserve force, patuloy pa rin si Rocco sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang uniformed personnel at isa na riyan ang paglahok niya sa feeding program ng Philippine Navy para sa mga naka-quarantine na marine soldiers at frontliners sa checkpoint.
Samantala, habang tigil muna sa taping sina Rocco sa DOTSPh, mapapanood pa rin siya sa rerun ng Encantadia sa GMA Telebabad.