in

Vivoree Esclito, Jane Oineza, Elmo Magalona, JC Alcantara, Shanaia Gomez, at Belle Mariano may dalang aral sa ‘Click, Like, Share’ Season 3

Mga napapanahong kwento at mga bagong aral ang handog ng iWantTFC sa pagbubukas ng 2022 sa ikatlong season ng digital serye na “Click, Like, Share” kasama ang mga bidang sina Vivoree Esclito, Jane Oineza, Elmo Magalona, JC Alcantara, Shanaia Gomez, at Belle Mariano.

Mapapanood na ito sa iWantTFC app at website (iwanttfc.com) simula Enero 12 tuwing Miyerkules ng 8 PM tampok ang mga istoryang aantig sa puso at magtuturo ng kahalagahan ng pagmamahal, pagpapatawad, kabutihan, sakripisyo, at pamilya.

Bida sa unang episode na “Repair” si JC tungkol kay James, isang ambisyosong pulis na sinusundan ng kahihiyan dahil sa namayapa niyang amang kriminal. Sa gitna ng muling pagbuhay ng isyu online tungkol sa biktima ng kanyang ama, babalik siya sa nakaraan para harapin ang kanyang ama.


Ang bagong season ng “Click, Like, Share” ay sa ilalim ng direksyon ni Andoy L. Ranay at mula sa produksyon ng ABS-CBN Entertainment at iWantTFC kasama ang Dreamscape Entertainment at Kreativ Den. Mapapanood din sa episodes nito sina Allan Paule, Mark Rivera, Nikki Valdez, at Bernard Palanca.

Ang lahat naman ng nakaraang episodes ng “Click, Like, Share” ay libreng napapanood sa Pilipinas sa iWantTFC.

Abangan ang simula ng “Click, Like, Share” Season 3 ngayong Enero 12, 8 PM sa iWantTFC.