in

Kapamilya shows at stars, sisimulan ang 100 araw na Fundraising ng ABS-CBN para sa mga Biktima ng Bagyong Odette

Halos isang buwan matapos mawalan ng tahanan, kabuhayan, at mahal sa buhay dahil sa bagyong Odette, aabot sa 1.4 milyong pamilyang Pilipino ang patuloy na nangangailangan ng tulong habang humaharap din sa banta ng COVID-19.

Para matulungan sa pagbangon ang ating mga kababayan, inilunsad ng ABS-CBN ang “Tulong-Tulong sa Pag-ahon: Isang Daan Sa Pagtutulungan” kasama ang iba’t ibang grupo at dibisyon sa ABS-CBN, una na rito ang Kapamilya shows at stars, upang mahatiran ng ayuda ang 100,000 apektadong pamilya.

Tatakbo ang ikalawang bahagi ng online fund drive ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation mula Enero 9 hanggang Abril 18 simula kagabi sa “By Request” A Benefit Concert tampok si Regine Velasquez-Alcasid na napanood sa FYE Channel sa Kumu, ABS-CBN Entertainment Facebook page at YouTube channel, at iWantTFC.


Susundan ang sampung mini concerts ng “By Request” ng iba pang fundraising activities para makumpleto ang 100 araw tulad ng online tindahan ng “PBB Kumunity Season 10,” “Busog sa Pagtulong” ng “Magandang Buhay,” “Kilig Match” ng Kapamilya love teams, “Truth or Dare” ng Kapamilya leading men, at pakulo ng mga Kapamilya teleserye. Magkakaroon din ng “Metro Fire Sale,” “Boom! Pa-Mine” mula sa “It’s Showtime,” isang Esports charity event, habang mga kwento ng Odette survivors ang hatid ng ABS-CBN News at ABS-CBN Regional. Magtatapos ang 100 araw ng activities sa isang major event sa Abril.

Sa malasakit ng donors, umabot na sa 65,995 pamilya sa mga lubhang tinamaan ng bagyo sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang nahatiran ng tulong ng ABS-CBN Foundation Sagip Kapamilya noong Enero 8. Mula nang inilunsad ang kampanya noong Disyembre sa pamamagitan ng isang benefit concert tampok ang mahigit 100 stars, nakalikom ang unang phase ng “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon” na “Andito Tayo Para sa Bawat Pamilya” ng P56,575,497 cash donations at P9,062,614 in kind donations.

Para sa iba pang paraang upang mag-donate, pumunta lang sa Facebook, Twitter, at Instagram ng ABS-CBN Foundation at sa https://foundation.abs-cbn.com. Ang DSWD Authority/Solicitation Permit No. ng kampanyang ito ay DSWD-SB-SP-00026-21, na valid nationwide hanggang Mayo 28, 2022.