in

Digitally restored na ‘Kasal, Kasali, Kasalo’ nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, mapapanood sa KTX

Makisalo ulit sa pinakamasaya, pinakamagulo, at pinakamalaking kasalan noong 2006 sa paghahandog ng ABS-CBN Film Restoration ng digitally restored at remastered version ng Star Cinema hit na “Kasal, Kasali, Kasalo,” na pinagbidahan ng mag-asawang sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, sa Sagip Pelikula Festival ng KTX simula Hulyo 15 (Huwebes).

Mula sa orihinal na panulat at direksyon ni Jose Javier Reyes at hango sa screenplay ni Mary Ann Bautista, tampok ang kakaibang pag-iibigan nina Angie at Jed (Judy Ann at Ryan) at kung paano sila humantong sa kasalan.

Pero hindi magiging madali ang mga paghahanda sa kanilang pag-iisang dibdib dahil sa gulong nakaambang mula sa kani-kanilang mga biyenan. Maliban pa roon, masusubukan din sina Angie at Jed sa kanilang buhay mag-asawa habang hinihintay ang pagsilang ng kanilang sanggol.


Kamakailan ay ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Dahil dito, kinilala na ng ilang award-giving body ang inisyatibo nito, tulad nalang ng makatanggap ito ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), at ng Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa “Sagip Pelikula,” i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).