in

Anji Salvacion, tagumpay ang planong maging Big Winner ng ‘Pinoy Big Brother Kumunity Season 10’

Lubos ang pasasalamat ni Anji sa kaniyang mga taga-suporta na nagdala sa kaniya sa panalo.

“Tagumpay ang plano!” Iyan ang naging sigaw ng “Singing Sweetheart ng Siargao” na si Anji Salvacion mula sa Celebrity Kumunity matapos itanghal na Big Winner ng “Pinoy Big Brother (PBB) Kumunity Season 10” ng ABS-CBN sa ginanap na Big Night kagabi (Mayo 29) sa “PBB” house.

Matapos malagpasan ang iba’t ibang hamon at pagsubok, ibinoto ng taumbayan si Anji na nakakuha ng 40.42 percent ng combined save and evict votes, ang pinakamalaki sa lahat ng Big 5, para manalo at makuha ang P2 milyong premyo.


“Salamat sa sumusuporta sa anak ko. Thank you for believing in her,” sambit din ng kaniyang ina na si Melisa Gorbulev.

Sinundan siya ni Isabel Laohoo ng Adult Kumunity na may 18.20 percent na tumanggap ng P500,000 at Samantha Bernardo ng Celebrity Kumunity (16.28 percent), na nag-uwi naman ng P300,000.

Si Rob Blackburn naman ng Teen Kumunity (4.01 percent) ang 4th Big Placer na may premyong P200,000, habang si Brenda Mage ng Celebrity Kumunity (1.19 percent) ang 5th Big Placer na panalo naman ng P100,000.

Hindi naging madali ang pag-abot ni Anji sa pangarap na maging Big Winner matapos maging nominado para sa eviction ng ilang beses noong Celebrity Edition, na siyang nagbukas ng season na ito noong Oktubre 16 noong 2021. Dagdag pa riyan ang pagtama ng Super Typhoon Odette kung saan apektado ang pamilya niya sa Siargao.

Gayunpaman, nanatiling matatag si Anji na patuloy na ginamit ang galing sa pag-awit at paggawa ng musika at kagustuhang makatulong at manalo sa bawat task at hamon ni Kuya na siyang nagpamahal sa kanya sa mga manonood at naging daan upang siya ay maging Celebrity Kumunity Top 2 kasama si Alyssa Valdez.

Sa kaniyang pagbabalik sa bahay nitong nakaraang mga araw, pinakita muli ni Anji ang puso at husay kung kayat sila nina Samantha Bernardo, na pumalit kay Alyssa, at ang comeback housemate na si Brenda Mage, ang unang nakapasok sa Big 5.

Kabilang sa mga sumalubong sa Big 5 sa labas ng Bahay ni Kuya ang hosts na sina Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Enchong Dee, Melai Cantiveros-Francisco, MayMay Entrata, Sky Quizon, Richard Juan, at Kim Chiu, kasama ang iba pang dating “PBB” Kumunity housemates at ex-housemates ng iconic Kapamilya reality show, na napanood ngayong season sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, TFC, iWantTFC, at Kumu. Nakasama rin sa The Big Night sina Bamboo, KZ Tandingan, Ez Mil, Jeremy Glinoga, Sab, Nene Tamayo, BINI, BGYO, at ang loveteam nina Andi Abaya at Kobie Brown.

Ito na ang ikalawang season ng “PBB” kasama ang Kumu, ang pinakamalaking social entertainment app sa bansa, na tumulong sa paghatid ng saya at inspirasyon sa mga Pilipino at panibagong viewing experience sa manonood ngayong pandemya.

Panoorin ang highlights ng the Big Night at iba pang episodes ng “PBB Kumunity Season 10” sa Pinoy Big Brother YouTube channel at “PBB” social media accounts sa Twitter at Kumu (@PBBabscbn), at Instagram at Facebook (@PBBabscbntv).