in

Alyssa Valdez at Anji Salvacion, wagi bilang celebrity Kumunity Top 2 sa ‘PBB’

Pagkatapos ng mahigit labing-isang linggo, nagtapos na ang Celebrity Edition ng “Pinoy Big Brother Kumunity Season 10” kung saan itinanghal na Celebrity Kumunity Top 2 sina Alyssa Valdez at Anji Salvacion.

Wagi ng tig-P100,000 ang Heartstrong Phenom ng Batangas at Singing Sweetheart ng Siargao na lumabas na sa Bahay ni Kuya noong Linggo (Enero 2) habang isa-isa namang ipinakilala ng hosts na sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Melai Cantiveros, at Enchong Dee ang mga opisyal na housemate ng Adult Edition. Magkakaroon din ng Top 2 ang Adult Edition at Teen Edition at sila ang makakalaban nina Alyssa at Anji para sa titulong Big Winner ng season na ito.

Nanguna sina Alyssa (22.63%) at Anji (13.60%) sa final tally of votes na pinagsamang Kumu at SMS votes pagkatapos ang 10 million diamonds challenge para sa Final 5 noong nakaraang linggo kasama sina Samantha Bernardo (13.53%), Madam Inutz (13.03%), at Brenda Mage (2.84%).


Samantala, agad na sumabak ang sampung Adult Housemates sa hamon bago pa makapasok ng Bahay ni Kuya. Sina Raf at Nathan naman, kailangan ding magpanggap na hindi magkapatid bilang kanilang secret weekly task, kung kayat nagpakilala si Nathan bilang “Policarpio.”

Abangan din ang reunion ng Celebrity Housemates sa Kumulitan weekday show kung saan makakasama na rin si Robi nina Bianca, Melai, and Enchong. Ang iba-ibang Celebrity Housemates naman ang makakasama tuwing 9 pm sa “Kumunity G sa Gabi” simula kay Eian Rances na magsisilbing host nito mula Enero 3 hanggang Enero 7.

Sundan ang teleserye ng totoong buhay tampok ang bagong kumunity sa Bahay ni Kuya sa “PBB Kumunity Season 10” Adult Edition sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, iWantTFC, at TFC tuwing 5:45 pm mula Lunes hanggang Biyernes at ang replay nito tuwing 11:10 pm ng gabi. Eere naman ito tuwing 7 pm kada Sabado at Linggo. Samantala, mapapanood ang 24/7 livestream ng “PBB Kumunity” sa Kumu.

Tumutok din sa “PBB Kumulitan” online show sa Kumu at Facebook tuwing 5:30 pm mula Lunes hanggang Biyernes at kasama si Sky Quizon tuwing 6:30 pm ng weekend.