Ang kwento ng isang lolang tiniis ang ilang dekadang pang-aabuso at pang-aalipin ng kanyang amo sa Amerika ang tampok sa bagong obra mula sa ABS-CBN DocuCentral na pinamagatang “Fedelina: A Stolen Life.”
Kilalanin si Fedelina Lugasan, isang biktima ng human-trafficking, na ilalahad kung paano siya ipinuslit sa Amerika upang alilain hanggang sinubukan siyang isalba ng mga kapwa Pilipino at awtoridad.
Ipapalabas ang dokumentaryong kinunan sa Amerika at Pilipinas ngayong Linggo (Oktubre 25) sa Kapamilya Online Live ng 10 pm, at sa Kapamilya Channel ng 10:45 pm. Mapapanood rin ito sa iWantTFC sa ganap na 11:45 pm.
Matagal nang nangyayari ang human-trafficking o pangangalakal sa tao, kung saan ang mga biktima ay walang malay na ipinagbebenta para sa sapilitang trabaho at iba pang uri ng pangaabuso.
Sa kabila ng mga hakbangin upang matigil ang mga ganitong operasyon, libo-libo pa rin ang nahuhulog sa krimeng ito. Isa na rito si Fedelina, na higit apat na dekada nang hindi nakauusap ng kanyang pamilya.
Katakot-takot na hirap at pananakit ang inabot ni Fedelina, na ngayon ay may otsenta anyos na. Maaaring marami pang Pilipino ang tulad niyang biktima ng human trafficking at patuloy na nananahimik at nagtitiis dahil sa takot para sa kanilang buhay. Layunin ng dokumentaryong ito ang buksan ang mata ng mga tao sa isyung ito. Nais rin nitong ipakita sa mga biktima na mayroong paraan upang sila ay makalaya, at sa mga nakaligtas na may buhay pa pagkatapos ng kanilang pinagdaanan.
Paano naisalba si Fedelina? Maibabalik pa ba siya sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas? Sundan ang kanyang kwento sa “Fedelina: A Stolen Life.” Ito ang pinakabagong dokumentaryo mula sa ABS-CBN DocuCentral matapos manalo ng Silver World Medal at Bronze World Medal sa 2020 New York Festivals TV and Film Awards at pito pang award sa 2020 U.S. International Film & Video Festival.
Abangan ito ngayong Linggo (Oktubre 25) sa Kapamilya Online Live ng 10 pm, Kapamilya Channel ng 10:45 pm, at iWantTFC ng 11:45 pm. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.