in

Mga frontliner, nakahanap ng kasangga sa ‘Pantawid Ng Pag-Ibig’ ng ABS-CBN

Patuloy na nakatatanggap ng suporta mula sa ABS-CBN Foundation ang mga bayaning frontliner na nangunguna sa paglaban ng bansa sa COVID-19.

Sa pamamagitan ng kampanyang “Pantawid ng Pag-ibig: Isang Daan. Isang Pamilya.”, 133 ospital at 26 pang ibang institusyon sa Pilipinas ang nakatanggap ng daan-daan libong personal protective equipment (PPE) na kailangan ng mga healthcare worker sa pangangalaga sa may sakit ngayong panahon ng pandemya.

Kabilang dito ang mga surgical mask, N95 mask, face shield, goggles, gloves, body suit, shoe cover, pati alcohol at rapid test kits. Maliban sa mga gamit sa ospital, naghatid rin ang ABS-CBN Foundation at mga donor at partner nito ng pagkain, inumin, gamot, at bulaklak para bigyan din ng pagmamahal at kalinga ang mga frontliner na patuloy na isinaaalang-alang ang sarili nilang kaligtasan para sa buhay ng iba.

Kamakailan lang, dumayo ang “Pantawid ng Pag-ibig” sa 16 na ospital sa Metro Manila dala ang face masks, vitamins, at hygiene kits mula sa mga donasyong salapi at kagamitan.

Sa isang panayam sa ABS-CBN News na ipinalabas sa “TV Patrol,” nagpahayag ng pasasalamat si Dr. Maria Leonora Ulanday ng Quirino Memorial Medical Center sa mga taong hindi napapagod sumuporta sa mga frontliner tulad niya. Aniya, malaking bagay ang kanilang pagiintindi at pagtugon sa mga pangangailangan nila.

“’Yun ‘yung malaking tulong talaga sa ‘min. And especially ‘yung family and friends who always encourage us to go on and to fight this battle,” dagdag pa niya.

Marso nitong taon nagsimula ang pagtulong ng “Pantawid ng Pag-ibig” sa mga frontliner. Sa mga napuntahan nito, 96 ang ospital na gobyerno at 37 naman ang pribado. Naghatid rin ito ng mga PPE sa apat na paaralan at 18 komunidad sa NCR at iba-ibang probinsya.

Ayon kay Dr. Diana Rose Cajipe ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, patuloy silang nangangailangan ng PPE lalo na sa panahong ito kung kailan madalas ay maraming pasyente.

“Kasi ‘yung capacity and the number of patients that would come in, madami po talaga, and then ang ospital naghahanda na kasi etong BER months, whether pandemic or hindi kasi madami talaga ang dadating,” paliwanag niya sa panayam ng ABS-CBN News.

Patuloy na kumakatok sa puso ng mga indibidwal at organisasyon ang ABS-CBN Foundation para sa suportang ibinibigay ng “Pantawid ng Pag-ibig” para sa medical frontliners. Maaaring ipadala ang mga donasyon sa pamamagitan ng WeCare, isa sa partners ng ABS-CBN Foundation, sa website nito na www.wecare.ph. Maaari ring mag-donate sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc. bank accounts: BPI Account Number: 4221-0000-27 with Swift Code: BOPIPHMM, at BDO Account Number: 0039300-78214 with Swift Code: BNORPHMM.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Pilot episode ng ‘I Can See You: Truly. Madly. Deadly.’, pinuri ng viewers!  

’24 Oras’ at mga Kapuso star, pinarangalan sa 51st Box Office Entertainment Awards