Mga patok na mga pelikula, kinagiliwang ABS-CBN programs, at bagong lifestyle shows ang mapapanood sa direct-to-home satellite TV service na GSAT sa buong bansa dahil simula Lunes (Oktubre 5), nasa GSat na ang CineMo, Jeepney TV, at Metro Channel.
Hatid ng Metro Channel ang iba’t ibang programang tampok ang mga masasarap na pagkain, pananamit, at pamamasyal sa iba’t ibang bansa na pinagbibidahan ng tanyag na tao at sikat na artista tulad nina Edu Manzano, Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, at kilalang chef at may-ari ng restaurant na si Sandy Daza at marami pang iba.
Sa Jeepney TV naman, mababalikan ang mga palabas ng ABS-CBN na minahal ng mga Pilipino. Kung laughtrip at maaksyon na palabas ang hanap, mapapanood ang mga pelikulang lokal at banyaga sa all-day entertainment channel na Cinemo. Masusubaybayan din ang adventures ni Cardo Dalisay sa“FPJ’s Ang Probinsiyano.”
Bukod sa tatlong bagong channels, patuloy na napapanood sa GSAT ang Kapamilya Channel kung saan palabas ang mga bagong episode ng “It’s Showtime,” “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Iba Yan” ni Angel Locsin, “Paano Kita Pasasalamatan” ni Judy Ann Santos, “TV Patrol,” at ang latest Kapamilya serye na “Ang Sa Iyo Ay Akin.”
Napapanood sa GSAT ang mga lokal at banyagang balita, pati na ang entertainment channels ng Pilipinas. May online app ito na GSAT +, kung saan na-aaccess ang Kapamilya Online Live.
Patuloy ang paghahanap ng ABS-CBN ng iba’t ibang paraan para mapaglingkuran ang mga Pilipino sa buong mundo sa paghahatid ng entertainment, balita, at public service.