Nagbabalik sa pag-arte ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid sa pelikulang “Yours Truly, Shirley” na official entry sa pinakaabangang 2019 Cinema One Originals film festival.
Iikot ang istorya ng pelikula na idinirek ni Nigel Santos sa isang biyuda na naniniwalang ang isang batang popstar (Rayt Carreon) ay reinkarnasyon ng namatay niyang asawa.
Ayon kay Regine, kaabang-abang ang paraan ng pagtalakay ng pelikula sa isang sensitibong usapin. “Medyo malungkot yung kwento niya kasi she hasn’t gotten over the death of her husband. So medyo malungkot talaga pero kumbaga this is the other side, the funny side. Kasi how do you deal with mourning diba? Lalo na ‘pag yung kasama mo buong buhay mo, tapos nawala bigla sa’yo.”
Sakto ang pagbabalik-pelikula ni Regine sa “Yours Truly, Shirley” sa ika-15 taon ng C1 Originals, pero pag-amin niya, nahirapan siya sa umpisa lalo na’t pitong taon na nang huli siya gumawa ng pelikula.
“Kasi alam niyo naman yun na acting is not my comfort zone, it’s really an effort for me that’s why ‘pag meron akong dapat gawin na bagong pelikula, like ito ang tagal, medyo nagdadalawang-isip ako talaga. But I’m glad I did this, I enjoyed shooting and you know, the whole process,” aniya.
Bukod sa pelikulang pagbibidahan ng Songbird, ang ilan pa sa mga pelikulang kalahok sa taunang film fest ay ang “Lucid,” “Metamorphosis,” “O,” “Sila-sila,” “Tayo Muna Habang Di Pa Tayo,” “Tia Madre,” at “Utopia.”
Sa pelikulang “Lucid” mula sa direksyon ni Victor Villanueva at panulat ni Natts Jadaone, iikot ang istorya sa lucid dreamer na si Ann (Alessandra de Rossi) na ang mga napapanaginipan ay kabaligtaran ng simple niyang buhay.
Sa pagkikita nila ng isa pang lucid dreamer (JM de Guzman), kukuwestyunin niya kung mas mabuti bang manatili nalang sa makulay niyang mga panaginip kaysa sa totoong buhay niya.
Ang “Metamorphosis” naman ni J.E. Tiglao ay kwento ng 14-anyos na si Adam (Jerould Aceron) at ang sikreto niyang pagkakaroon ng ari ng parehong babae at lalaki. Kasama rin dito si Iana Bernardez at Ivan Padilla.
Sina Lauren Young, Anna Luna, Sarah Carlos at Jasmine Curtis-Smith naman ang mga bida sa “O,” na kwento ng isang intern sa morgue na si Maria na makikilala ang isang vampire ‘drug lord’ na si Matilda.
Pipilitin ni Matilda si Maria na maging blood pusher kapalit ng buhay niya.
Nagbabalik si Giancarlo Abrahan sa C1 Originals para sa pelikulang “Sila-Sila,” isang comedy tungkol sa isang lalaki na na-iinlove at nawawala ang pag-ibig sa parehong mga tao.
Pinagbibidahan ito nina Topper Fabregas at Gio Gahol.
Tatalakay naman sa paghihiwalay nina Alex (Jane Oineza) at Carlo (JC Santos) ang romance drama na “Tayo Muna Habang Hindi Pa Tayo,” ni Denise O’Hara.
Samantala, iikot ang storya ng horror entry ni Eve Baswel na “Tia Madre” sa 10 taong gulang na si Angel (Jana Agoncillo) na naninirahan kasama ang mapagmahal niyang nanay (Cherie Gil).
Nang biglang naging mapanakit ang nanay niya, magtataka si Angel kung ito nga ba talaga ang kanyang ina.
Bida naman sina Vin Abrenica, Arron Villaflor, at Enzo Pineda sa crime comedy na “Utopia,” na tungkol sa kwento ng isang videographer, bagitong pulis at undercover agent na magkakasamang maiipit sa pasikot-sikot ng isang bayolenteng lugar.
Labinlimang taon nang naghahandog ng iba’t ibang pelikula na may nakapupukaw na tema ang Cinema One Originals gaya ng “That Thing Called Tadhana,” “Baka Bukas,” “Yanggaw,” “Confessional,” “Changing Partners,” “2 Cool 2 be 4Gotten,” “Mamu; And a Mother too” at iba pa.
Naging paraan na rin ito para makadiskubre ng mga bagong talento at humubog ng mga filmmaker tulad nina Jerrold Tarog, Antoinette Jadaone, Richard Somes, Jason Paul Laxamana, at Dwein Baltazar na walang takot gumawa ng mga kakaibang pelikula. Marami rin sa mga nagdaang entry ng C1 Originals ay kinilala ng mga award-giving bodies sa loob at labas ng bansa.
Kasabay din ng ika-15 taon ng Cinema One Originals ang ika-100 taon ng selebrasyon ng Philippine Cinema at ang ika-25 anibersayo ng nangungunang cable channel na Cinema One.
Abangan ang mga #IAmOriginal entry sa Cinema One Originals 2019 ngayong Nobyembre 7 hanggang 17 sa iba’t ibang mga sinehan.
Para sa mga update, bisitahin ang @CinemaOneOriginals sa Facebook, @c1origs sa Twitter at @c1originals sa Instagram.