Mukhang maganda ang pasok ng 2025 kay Jillian Ward dahil waging-wagi hindi lang sa ratings, kundi pati sa online views ang pinagbibidahan niyang “My Ilonggo Girl.”
Kilig overload nga ang hatid ni Jillian at Michel Sager sa regional romantic comedy series mula GMA Public Affairs. Bukod sa pagiging high-rating nito sa primetime ay patok din sa netizens ang sweet moments nina Tata (Jillian) at Sir Francis (Michael). May mahigit 337 million views na ang serye across all online platforms as of January 29.
Pero bukod sa kanyang pag-akting, marami ang humanga kay Jillian sa ginawa nitong pagdalaw sa isang lolang naka-admit habang sila ay nagte-taping ng serye sa hospital kamakailan. Akala ng mga nakasaksi, saglit lang daw sisilip si Jillian pero nagulat sila na nakipagkuwentuhan ang aktres sa lola at sa apo nito.
Sa video, makikita ang pagiging emotional ni Jillian na ibinahaging naalala raw niya ang kanyang lola sa nasabing pasyente. Matatandaang pumanaw ang lola ni Jillian noong kasagsagan ng COVID pandemic.
Naantig din ang netizens at marami ang pumuri sa ginawang ito ni Jillian na kahit nasa taping ay nagawang bumisita sa nasabing lola.